Para sa Panahong Hindi Ko Pag-aari

Nais ko sanang bumalik sa panahong hindi ko pag-aari
Gigisingin ako ng bumubukadkad na araw at babangong muli
Doon ako mamumuhay sa kalagitnaan ng palayan
At sa pawid na kubo, doon ako maninirahan

Nais ko sanang bumalik sa panahong hindi naman akin
Kung saan modernisasyon ay mailap at tradisyonal ang naghahari
Lalanghapin ko ang simoy ng inosenteng hangin
At dadamhin ang init ng klimang hindi pa nagmamarungis

Nais ko sanang bumalik sa panahong hindi biyaya ng Maykapal
Sa katulad kong nabubuhay sa pagkakataong iba na ang ritmo at galaw
Isasanib ko ang sarili sa kulturang may diin ang mga ponema
At ang saliw ng respeto’y hindi pa tinatanggap bilang luma

Nais ko sanang bumalik sa panahong nauuhaw ang bayan sa salat
Na ang bawat pagsibol ng karunungan ay sinasamba pa ng lahat
Pakikinggan ko ang hindi pa nalalasak na malikhaing sinig ng radyo
At sa itim at puting kulay ng telebisyon, gagawa ako ng bisyo

Nais ko sanang bumalik sa panahon ng purong romansa
Kung saan ang paghihirap ng binata ay pansing-pansin ng dalaga
Magdadala ako ng gitara at kakanta sa tapat ng kanyang bintana
At ang paraluman ay dudungaw, ngingitian ang harana

Nais ko sanang bumalik sa panahong ang piring ay maimpluwensiya
Nakagapos pa rin ang mga kamay at nagkukunwariang nakawala
Sasabayan ko ang kapangyarihang udyok ng pinaniniwalaan
At palalawakin ang bulong sa buong kanayunan

Ngunit gustuhin ko mang balikan ang bakas ng nakaraan
Mas mabuti na rin sigurong pag-ibayuhin na lamang ang kasalukuyan
Para hindi dumating ang panahong pati ngayon ay pagsisisihan
Sabihing pag-aari ko na nga, hindi ko pa nagawang mamalayan.

10 responses to “Para sa Panahong Hindi Ko Pag-aari

  1. naku, wari nalimutan namnaman ang nakaraang kasalukuyan. mahirap na nga ito muling balikan, tanging pagtanaw na lamang sa isipan ang maaring hakbang. mananatili na lang sa tatak ng isipan. so may lessons learned ba?

    Like

Comments