Umiibig Daw Po

Gustuhin ko man talagang magpaskil ng UPCAT-related article, hindi ko magawa. Hindi dahil sa tingin ko ay pangit ang magiging resulta ng pagsusulit, kundi dahil may iniisip akong ibang bagay. Nitong nagdaang linggo, nakaranas ako ng isang bagay na hindi ko lubos akalain magagawa kong maranasan ngayon sa sekondarya. Nawindang ang buong puso ko at diwa, na hindi litong-lito na ako kung ano ang tamang gawin. Kung i-qu-quote si Ricky Lee, tinamaan ako ng tatlong K — “kabog, kilig at kirot”.  Oo, sa hindi malamang makamundong pamamaraan, na-in love na talaga ko. Nagnais, nagmahal, umibig.

Lintik. Ngayon naiintindihan ko na kung bakit tatanga-tanga ang mga kaklase ko kapag iiyak sila sa classroom dahil may problema sila ng kanilang minamahal. Ngayon alam ko na kung bakit kahit anong sulsol ko sa kaklase kong sinasaktan ng boyfriend o girlfriend niya, hindi magawang iwanan. Ngayon alam ko na kung bakit nahuhumaling sila sa unlitext promos ng kung anong telecommunications company para lang makausap kahit saglit ang mahal nila. Ngayon alam ko na, kasi naranasan ko na.

Umibig ako, kahit na parang sinira nito ang ilan sa mga prinsipyo at paninindigan ang mayroon ako sa buhay sa kasalukuyan. Sabi ko sa sarili ko, ang unang taong magiging karelasyon ko, sana dapat ang huli. Pero break na kami ngayon, kaya imposible. Sabi ko, dapat pangmatagalan ang pagkakaroon ng relasyon. Pero gaano nga ba kaikli ang dalawang araw na pagmamahalan? Sabi ko sa sarili ko, hindi ako tutulad sa mga kamag-aral kong naghihimutok dahil sa pakiramdam ng pagmamahal. Ngayon, eto ako, nag-bo-blog.

Napagtanto ko na minsan, umiibig tayo sa hindi natin malamang kadahilanan. Akala ko dati, gusto ko ang isang taong konserbatibo, matalino, magaling makipagtalastasan, at hindi nakakasawang kausap. Pero hindi ko na pala tiningnan ang mga aspektong iyon. Nagmahal ako. At kapag nagmahal ka, wala kang pakialam kung wala siyang sense of humor, kung jejemon siya mag-text, kung kinakain niya bawat letra kapag nagsasalita siya, o kung walang binatbat ang talino niya sa iyo. Kapag mahal mo siya, mahal mo siya. Kahit hindi mo maipaliwanag kung bakit.

Ilang araw din akong gumastos para lang makapagpa-load sa cellphone. Biruin mo ‘yun. Pero hindi ko pinanghihinayangan ang ginawa kong paggasta. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong kagalakan kapag siya ang lumalabas sa inbox ng cellphone ko, at mag-te-text siya ng kahit anong bagay na nagpapatunay na naaalala niya ako. At kapag magtatawagan kami, masaya na ako marinig lang ang boses niya. Kahit wala na siyang masabi, o kahit pa alam kong liko-liko naman ang bawat litanya, basta boses niya ang naririnig ko. Iyon ang mahalaga.

Pero wala na kami ngayon. Sayang. Noong naging kami, nakagawa ako ng tatlong tula sa kanya. Ganoon ako na-inspire, pero mukhang wala nang paglalaanan ang mga anyo ng panitikang pinatamis ng purong pagmamahal.

Kailan ka unang nag-“I love you” na may laman, may puso, may kaluluwa? Ako, nito-nito lamang. Pero sa bawat pilantik ng dila ko, alam ko sa sarili kong hindi ako nagbibiro. Sinabi ko kung ano ang totoo, sa kauna-unahang pagkakataon sa mapagkunwari kong pamumuhay.

Iniisip ko, paano kaya kung hindi na lang naging kami? Matagal ko na rin namang inisip iyon, kahit bago pa naging kami. Pero heto akong si ‘tanga’, nakipaglaro sa apoy. Ito ngayon, hindi lamang, nainitan, nasunog na. Buti na lang hindi naabo. Kahit alam kong walang patutunguhan, walang direksyon, walang bukas, sinubukan ko. Kasi nasa ilalim ako ng mahika ng pagmamahal.

Nagpapasalamat na rin ako nang kaunti, kasa panaginip lamang naman siya dati. Isang panaginip na nagkatotoo, ano pa bang dapat kong ikalungkot? Hindi ko inakalang mamahalin niya ako, dahil isa iyong imposibleng bagay. Pero naging posible ang imposible, kahit panandalian lamang. Pwede na.

Ito na ang mahirap na bahagi, ang mag-move on. Hanep. Bakit ba nasasabi ko ito ngayon? Magugulat marahil ang mga kaklase ko kapag nalaman nilang namroblema ang isang angas-angasan sa isang bagay na parang imposible naman niyang maranasan. Pero ano pa bang magagawa niya? Nagawa na ang lahat.

Hindi ko alam kung may Part 2 ang aming kwento. Sa ngayon, aaminin ko, hindi ko pa rin siya matiis. Simpleng pakiusap lamang niya, nagiging tuta akong nauuto. Mantakin mo, ako pa mandin ang matalino. Pero kung gugustuhin ko na talagang tapusin ang isang bagay na mas magiging masakit lang sa dulo, dapat simulan ko na ngayon.

Isa pa, tama lang siguro iyon. Para hindi na ako namomroblema pag-uwi ko sa bahay at pagkatapos ay titingnan ang cellphone kung mayroon man lang bang text o tawag mula sa kanya. Mas matututukan ko na ulit ang pag-aaral ko, para hindi naman ako sumemplang sa mga mithiing aking inilista noong bakasyon. Baka sakali, magiging panatag ang kalooban ko.

Binabasa ko muli ang ‘Para Kay B’ ni Ricky lee. May dating siya noon, pero walang dudang mas may dating siya ngayon. Nagpapaadik ngunit nananaksak ang kabog, kilig at kirot. At heto ang isang officially broken-hearted fifteen year-old lad, pilit hinahanap ang kanyang sarili sa bawat pahina ng 249 pages na libro. Ang emo.

Advertisements

12 responses to “Umiibig Daw Po

  1. What the hell, nag ka girlfriend ka na pala? No offence meant..Hahaha, naalala ko yung moment na nag confess sa akin yung bestfriend ko na ilang buwan lang nahiwalay sa piling namin na nag ka boylet na pala siya( I refuse to call it boyfriend kasi hindi ko naprobahan). Okay lang yan. Actually, nagets ko yung gusto mong maging huli ang iyong una. I feel the same way….

    pero 1st love ko ay teacher ko eh, may asawa pa siya at kadalasan kong nakikita ang anak niya sa kolehiyo( B.S. Stat at DOST scholar, eh di siya na magaling.)

    Kalma lang. Wag na munang mag planong mag pakamatay dahil madami pang babae sa mundo, madami pang pagkakataon sa buhay mo. Kung kayo talaga ang tinadhana, malalagpasan nan ang kahit ano…

    Tiwala lang kay Batman 😀

    Like

    • Oo, I knew that part of your love story. Nagbabasa mandin ako ng blog mo. 😉

      Hayy. Hindi naman ako magpapakamatay. Kaso ay hindi ko inakalang masakit pala talaga. For some mundane reasons, I underestimated the power of love. We didn’t even last for a week, but it seemed to be one of my longest dreams. At noong natapos, parang nightmare.

      It’s just sad. Malungkot as in kung paano dapat i-define ang salitang malungkot na walang exaggeration. Parang gusto ko lang maalis itong pakiramdam na ‘to. Kahit pa tapang-tapangan ako sa harap niya na parang hindi ako affected, deep inside, may gustong umamin na “Hoy, joke lang. Hindi totoong okay lang sa’kin. Hindi totoong masaya din ako para sa’yo. Gusto ko sana mahal mo pa rin ako.”

      I gave that person up just a day ago. I just got tired of asking myself over and over again if that person really loves me. Noong una, ang suggestion, figuratively play with fire lang daw. Sabi ko ayoko dahil di naman ako ganoon. Pero sabi noong kinalaunan, mahal na raw ako. Paniwala naman itong si matagal nang lihim na umiibig. Kaya ayun. Uto-uto.

      By the way, thank you for always dropping by. 🙂

      Like

  2. Tama ba, pagkakaintindi ko–isang linggong pag-ibig? Haha. Marahil hindi buo ang hayskul nang wala ang pag-ibig sa iba’t ibang anyo nito.
    Pero akin lang, darating din (ulit) yan. Mas kumakabog, mas nakakakilig at mas kumikirot. Yan ang paghandaan mo.
    Congrats pala, sa pagtapos ng UPCAT!

    Like

    • Isa sa mga bagay na ipinagpapasalamat ko ay ‘yung alaala na babaunin ko rito. Iyong tipong, kapag binalikan ko ang high school ko, masasabi kong, “Iyan ang high school ko. Siya ang high school ko.” Tapos tatawanan ko na lang lahat ng pinagdaanang kalokohan, kawirduhan, pati na rin siguro kabiguan.

      Of all comments, dito po ako napaisip. Actually, not one week but “Kulang-kulang isang linggong pag-ibig”. I realized na noong natapos na ang relationship namin, inisip ko na agad na wala nang susunod. Mali, dahil simula pa lang ‘yun ng magiging makulay kong paglalakbay sa mundo na binabagtas ng mga nagmahal, nagmamahal, at patuloy na magmamahal.

      Salamat sa pagbalik Sir. I’m done in the UPCAT. Kinakabahan dahil nahirapan ako pero umaasang Iskolar ng Bayan na ako sa susunod na taon.

      Like

    • Nice Sir! Pare-parehas tayong sawi. LOL.

      Ewan ko nga ba Sir kung bakit ganoon kamisteryo ang pag-ibig. Kung tutuusin, may scientific explanation naman doon e at parang utak din lang natin ang nagpoproseso ng nararamdaman nating emosyon. Pero ganoon pa man, hindi natin ‘yun pinaniniwalaan. Dahil kahit pa ilista mo ang mga ebidensya at masusing pag-aaral, walang scientific explanation ang makatutumbas at makapag-ja-justify sa nararamdaman nating ligaya, kalungkutan, pagkabigo, pag-asa at kung anu-ano pang pakiramdam kapag nagmamahal tayo. Hay naku.

      Like

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s