Titser Kuno na May Sweldo

Dahil nga nabigo ako – sa huli-hulihang pagkakataon ko sa high school – na maipasok ang aking broadcasting team sa National Schools Press Conference (oo, ang walang kamatayang National Schools Press Conference na laman ng blog na ito), humanap pa rin ako ng paraan para maisiksik ang sarili sa cannot-be-reached na kompetisyon. At iyon ay maging coach ng broadcasting team ng dati kong Alma Mater.

(Mahirap talagang magkwento lalo na kung hindi mo alam kung paano isisingit ang back story na hindi kumukonsumo ng maraming space. Basta ang siste, hindi ako nakapasok ngayong fourth year sa NSPC dahil nag-second place lang ang broadcasting team namin sa regional level. Pero dahil ang nanalo naman sa elementary level ay ‘yung dati kong school na eventually e proud na proud sa akin bilang kanilang alumnus, nag-decide ako na i-share ang aking expertise sa journalism para turuan ang mga magagaling pero wala pa ring muwang na mga bata.)

Kaya iyon, dahil wala namang kaduda-duda ang credentials ko bilang instructor sa campus broadcasting, pasok na pasok na rin ako para doon sa part-time jub kuno. Sa loob ng apat na sessions sa dalawang linggo, kinailangan ko lang namang makisalamuha sa mga bulilit na maiingay at malilikot pero gusto rin namang matuto.

Nahirapan ako sa totoo lang na turuan ang mga bata (gosh, I feel so old). Dahil nga bakasyon gaganapin ang NSPC (April 7-12 to be exact), hindi rin naman lahat ng members doon sa original team nila ay nagsamahan. Malamang, graduate na ng elementary, wala nang benefit sa kanila (iyon ay kung may pagka-grade conscious sila at ang habol lang ay co-curricular). Isa pa, sa Ormoc gaganapin ang NSPC at taga-Mindoro kami. Mapapalunok ka sa presyo ng plane ticket. So obviously, iyong tinuruan kong team ay hindi talaga national championship wannabes. Back to basics.

Madami rin akong nai-echos sa kanila sa loob ng apat na sessions. Mula sa pagsulat ng kapaki-pakinabang na script, hanggang sa paglalagay ng angas sa pagbabalita ng sports news, hanggang sa hindi halatang paglunok kapag napupuno na ng laway ang bunganga, hanggang sa pagkabisado ng lintik na news piece para hindi mabulol, hanggang sa pag-eksakto ng five-minute production para hindi mabigyan ng deduction ng judge, hanggang sa pakikipag-feeling close sa ibang region sa broadcasting proper para hindi ma-blacklist, itinuro ko. Ganoon! Ganoon ako kagaling katiyaga.

Minsan, naglilitanya ako sa 14 na paslit na tinuturuan ko. Iniisa-isa ko pa nga. Kunwari, doon sa isang miyembro na nagsulat ng balita tungkol sa piyesta ng bayan namin, na-pinpoint ko ang mali niya.

“Babaeng naka-yellow”, bungad ko (ngayon na-realize ko na kung gaano kahirap para sa teacher na magkabisado ng mga pangalan ng estudyante), “ang pinili mong balita ay tungkol sa piyesta ng Pinamalayan (bayan namin). Okay, sige. Doon sa first paragraph, sinabi mo na excited na ang mga Pinamalayenos (tao sa bayan namin), okay, sige, pagbigyan natin. Pero doon sa second paragraph, sinabi mo na inaabangan ng Pinamalayenos ang carousel at ferris wheel. Hello, sa balita mo na tatagal lang for 30 seconds, napakaimportante bang sabihin na sa lahat ng pwedeng abangan ng tao sa bayan natin, peryahan pa?! Bakit, wala ba niyan sa ibang bayan?! Wala ka na bang makitang ibang perspective? Ano pa ba ang mga unique sa bayan natin para hindi mo na kailangang banggitin – sa lahat ng bagay – ay peryahan? At isa pa, wala ka nang third paragraph. Sa halip, kunwari, mag-i-interview ka ng isang citizen ng bayan. Tapos sa lahat ng pwede mong itanong, ang sasabihin mo lang ay ‘Excited na po ba kayo sa piyesta ng Pinamalayan?’ at kapag sumagot ng oo, tapos na ‘yung balita mo. Hello! As if may pakialam ‘yung listeners kung hindi na makatulog sa excitement si taumbayan number 435. Bakit hindi ka mag-interview kunwari ng municipal official, tapos itanong mo kung ano ‘yung mga preparations – may bago ba, magiging politically motivated ba? At for heaven’s sake, sa lahat ng local news, ito bang piyesta na ito na ang worth the national championship – na kapag napakinggan ng judge, sasabihin niya, ‘Alleluia! Her news article is like God went down from heaven and touched my soul’? Tingin mo, ganoon? ‘Yung campaign period, ‘di ba ang gandang balita noon? Tapos sinong maglalaban? Sina Mayor at Vice-Mayor na dating magkaalyado! Iyon! Napaka-interesanteng news piece noon. Gets! Ha? Gets mo ba?! Ngayon (sabay punit ng papel), bumalik ka sa upuan mo at gumawa ka ng balita na mapapakinabangan ng tao. Dali!!!” *tirik ang mata*

(JOKE! Hindi ko siyempre ginawa ‘yun. Hindi ako terror na teacher na nagpapang-humiliate. Mahinahon na constructive ang approach ko; baka biglang mag-atungal ‘yung mga bata at isipin na bumangon sa hukay ang kaluluwa ni Hitler at sumanib sa isang 16-year old na mukhang kaklase lang nila. In my dreams ko lang ‘yung sinabi ko sa kawawang 10-year old kid. Hehehehe.)

Anyway, nakakatuwa naman silang turuan. Masarap mag-impart ng karunungan dahil minsan din naman akong estudyante ng paaralang iyon. Parang share your blessings ang peg.

Pero ang matindi, sa apat na sessions na iyon, may sweldo ako! Oo, sweldo! Tatlong oras lang akong nagtuturo sa kanila, at binibigyan ako ng administrator ng paaralan (na kapamilya na ang turing sa akin) ng tumataginting na 200 pesos. Hindi siya ganoon kalaking pera, pero hello, masarap mapasakamay ng perang ikaw mismo ang naghirap. Noong una, pakipot pa ako dahil parang boluntaryo din naman ‘yung pagtulong ko. Pero sabi sa akin, pamasahe ko na rin daw ‘yun. Kaya tinanggap ko na rin kahit P60 lang naman ang pamasahe na nagastos ko. Feeling ko tuloy, professional na ako sa ginagawa ko.

(Secret lang natin. Noong huling araw, binigyan ako ng – eto talaga ang tumataginting – isanlibong piso. Professional fee ko raw. Hindi ako makapaniwala! Pero hindi ko na sinabi sa pamilya ko. Kapag kasi sinabi ko sa kanila, hindi na nila ako bibigyan ng baon at ‘yung perang iyon na ang magiging baon ko. Na hindi ko naman gusto. Dahil ang sistema, sa imagination ko, ay parang sa kanila din mapupunta ang pera dahil nakatipid sila sa pagbibigay ng allowance sa akin. Gusto ko lang sana, kapag kunwari binibigyan ako ng sweldo o kaya paPasko sa akin ng ibang tao, sa akin na lang iyon. Para pambili ko hindi ng mga kailangan ko, pero ng mga gusto ko. Kaunting kalayaan kumbaga. End of explanation.)

Moving on, kung matindi na ang P1000 na sweldo sa akin para sa aking dedikasyon, may matindi pa silang surpresa sa akin. Ang sixteen-year old na si ako ay ginawa nilang coach na sasama sa 14 na broadcasting team members sa Ormoc! Yep, half-student half-coach na ako! Sinagot nila ang plane ticket ko at lahat-lahat. Dapat kasi ay pupunta talaga ako ng NSPC para tanggapin ang award ko bilang Outstanding Young Journalist of the Philippines pero wala kaming budget. It turned out na ginawan nila ako ng paraan para makasama. I feel so… so loved!

Kasama kong coach ng broadcasting team ay ‘yung dati kong teacher noong elementary at ‘yung principal ng school (na anak ng administrator). Kaya ang sabi na lang sa akin noong administrator matapos niyang ihatid sa akin ang good news, “Ikaw na ang bahala sa mga bata ha”. Whoa! Napakalaking responsibilidad! Dalawang pakiramdam ang yumanig sa pagkatao ko – una, excitement bilang coach, at pangalawa, takot na maging babysitter.

Kaya iyon! Wala akong balak maging guro pagdating ng panahon dahil ang monotonous sa akin ng buhay bilang teacher. Pero masarap din namang gawin paminsan-minsan – ang pakiramdam ay parang nagpapasa ng yaman sa mga hinirang na tagapagmana. Tapos, may extra income pa! I love this job!

3 responses to “Titser Kuno na May Sweldo

Comments