Chickenjoy at iba pang agam-agam na higit pa sa chicken

Larawan hiram mula sa flyinstyledaily.blogspot.com.

Larawan hiram mula sa flyinstyledaily.blogspot.com.

Purgang-purga na ako sa Jollibee. Kung hindi ako nagkakarinderya, suki ako ng fastfood. Katunayan, kabisado na ng crew sa Puregold branch ang order ko—one piece chicken with spaghetti. Iyong chicken, dapat either breast, rib o wing part [ayoko ng thigh; hipster kuno]. Dapat Spicy. Sa katabing karinderya ko bibilhin iyong kanin kasi hindi makatarungan ang extra rice ng fastfood.

Oo, mukhang ito na ang papatay sa akin.

Pero bago ko pa ito isumpa, kwento lang na noong bata ako, status symbol ang fastfood sa may amin sa probinsya. Wala kasing Jollibee sa bayan namin o sa mga kalapit na bayan, at dalawang oras ang biyahe patungong kabisera sa Calapan City. Doon lang may Jollibee at doon lang pwedeng mag-‘shopping’, sa isang Citymart na grocery lang naman ang laman sa first floor at damitan sa second floor. Pero dahil white ang pintura ng paligid, de-aircon, at may escalator na pwede mong pagpraktisan bago mo gamitin bilang hindi ka naman sanay sa mga gumagalaw na hagdanan, sige na, papasa na siya bilang SM.

Apat na oras ang biyahe balikan, paano pa iyong mga nasa mas malalayong bayan. Hindi pwedeng magpa-Calapan ang isang pamilya ng weekday dahil may pasok ang mga bata sa eskwela at may trabaho ang mga magulang. Dapat Sabado o Linggo, dahil isa itong bonding activity. Gigising ka nang maaga para nasa Calapan ka na bago ang tanghalian. Doon ka sa Jollibee magla-lunch, pero magte-take out ka pa para sa hapunan pag-uwi mo ng bahay. Tipong dama mo pa rin ang langhap-sarap na para bang hindi ka kailanman mai-introduce sa konsepto ng pagsasawa.

Sa eskwela, kapag may baon kang chicken joy sa iyong lunch box, bida ka! Kahit pa ininit lang naman ito mula kinagabihan. Jollibee e. May ginawa ka sigurong maganda; siguro okay ‘yung report card mo sa second grading period. O marahil, talagang mas nakakaangat lang nang kaunti ang pamilya mo.

Bale, hindi ka magpapa-Calapan bawat linggo. Isang daang piso rin kasi ang pamasahe bawat tao, one-way, so paano kung apat kayo sa pamilya, ‘di ba? Tapos balikan pa. Kaya maswerte na ang isang beses sa dalawa o tatlong buwan, kung middle class ka in provincial cost of living standards. Pinag-iipunan ‘to, in short. Isa pa, nakakapagod. Magsusuka ka sa van, at hindi mo talaga maiintindihan kung bakit ganoon ang amoy ng lahat ng air freshener ng mga van sa Mindoro. Iyong pakiramdam? Potang-ina-loooooord-get-me-out-of-hereeeee, nakakahilo.

Higit pa roon, ideya lang sa iyo ang McDo o KFC, kasi wala noon sa probinsya. At least ten years ago. Mapapanood mo lang iyong chicken nila sa TV, at mapapaisip ka lang kung iba ba ang lasa nila sa chickenjoy na inilagay mo na sa pedestal bilang standard mo kung paano ba maging manok.

Pakiramdam ko nga, noong bata ako, hindi pa marunong magluto si mama ng chicken, hindi kasi crispy. Ang lungkot-lungkot ng manok niya noong Grade 1 ako. O baka naman wala pa noong Crispy Fry breading mix [o hindi pa niya nadi-discover]. Kinalaunan, nagkaroon na ng instant, easy-to-prepare gravy sa merkado, at kapag umuuwi akong bahay galing school, it’s like Jollibee in the comfort of our humble home. Chos.

Noong bata nga ako, naisip ko, parang ang sarap-sarap sigurong tumira sa Maynila, kasi araw-araw kang pwedeng mag-Jollibee. O McDo. O KFC. Limitless ang pagpipilian ng fastfood. Sabi nga ng kanta, “Oooh baby do you know what that’s worth, oooh heaven is a place on earth”.

Tangina, I could not have been more wrong.

Mami-miss mo ang lutong bahay sa probinsya, ang tinola na may native na manok, ang adobo, ang mga eksperimento ni mama galing Del Monte cookbook na minsan fail pero A for effort, ang afritada, sinigang at nilaga nina tito at lola, ang porkchop, at lahat ng posibleng putahe na hindi mo naman mare-request sa karinderya.

Mami-miss mo rin iyong mga gabing umorder ka lang sa kambingan, o kaya ng lechong manok na tig-isang daan na kasya na sa inyong mag-anak, kasi tinamad magluto si mama o si tito o si lola.

Ang corny isipin, at parang subtle advertising ng CSR ng Lucky Me kung pakinggan, pero ang pinakamagagandang alaala ko sa probinsya, ay ang bawat gabing magkakasalo lang kaming pamilya.

Hindi iyong mag-isa sa nirerentahang kwarto sa kolehiyo, nag-se-senti matapos kumaing mag-isa sa Jollibee o sa pinagsawaang karinderya, habang dine-decipher kung matatapos mo ang project mong deadline na kinabukasan, o kung malapit ka na bang magka-lovelife.

Na sa pagitan ng almusal, tanghalian at hapunan, isama pa ang meriendang pancit canton sa kiosk, maaalala mo lang paunti-unti iyong simpleng buhay sa probinsya, malayo sa kapagurang dulot ng city life, aka traffic, traffic ulit, paulit-ulit na pagkonsumo ng machine-prepared food na hindi naman made from the heart, traffic na naman, at kapitalismo, maisingit lang.

Oo na, ang first world pakinggan nito. Iyong iba nga, walang makain.

Siguro dulot lang ‘to ng growing hatred ko for fastfood kahit paulit-ulit naman akong bumabalik, at mga karinderyang pinagsawaan ko na rin. O siguro gusto ko lang ulit tumikim ng luto ng pamilya ko, o umuwi ng probinsya, humilata sa kama ko mula sa kwartong tanaw ang bundok at palayan sa bintana, na hindi pinoproblema just for the next 24 hours iyong requirements ni Ma’am. O siguro tinanong kasi ako ni Bea kanina sa FX kung gusto ko bang magkaanak. Wow ha. Pero shet, ga-graduate na nga ako, magiging bahagi ng zombified working class, at scary enough, hindi ko na alam kung anong sunod.

O siguro sa kurso ng pagtandang hindi naman namamalayan, napapatanong lang sa sarili. Is this life already?

Advertisements

4 responses to “Chickenjoy at iba pang agam-agam na higit pa sa chicken

    • OMG Sir Caloy! Tama ba? hahaha. It’s been a long time! Kamusta na po? Teacher pa rin ba? Nag-asawa ka na ba? (o may asawa ka na dati pa?) Ilang taon ka na nga ba in the first place?

      Daming tanong haha. Pero ang saya, active ka pa rin dito after all this time.

      Liked by 1 person

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s