Nagbalik Ka, Kaya Nagbalik Din Ako

Presentation1g

Para ka lamang kapirasong gunita ng kasaysayan—dumaang saglit, lumipas, at nabura sa alaala.

Pero matapos ang halos isang taon nang huli tayong magkita’t mag-usap, at nang makalimutan na kitang tuluyan, bumalik ka. Nakatitig lang ako isang gabi, habang patay ang ilaw ng kwarto, sa monitor na sobra-sobra ang liwanag, nang walang anu-ano’y ni-like mo ang isa sa mga paskil ko. Pahiwatig mo siguro—buhay pa ako. At bilang tugon, ni-like ko rin ang isa sa iyo. Pahiwatig ko rin—alam ko. Katulad siguro ng dati, malamang hanggang ngayon nagkakaintindihan pa rin tayo. Sa asul na parihabang moda ng pagkakamustahan, nag-hi ka. Nag-hello naman ako.

Nanumbalik ka, sa isipang matagal nang nagbura ng mga alaala nitong nahimbing sa basurahan ng kalungkutan. Nanumbalik ka, sa pantasyang matagal nang itinago sa baul ng kalibugan ang hindi mawaring pagnanasa. Nanumbalik ka, sa pusong nakatikim ng inosenteng pag-ibig at pagkadurog nang dahil sa’yo. Wala akong mapagkwentuhan sa pagbabalik mo. Kaya dito sa pahinang unang napagsabihan ko ng umusbong nating kwento, nagbalik din ako.

Nag-usap tayo sa telepono pagkatapos, mga apat na oras sa nanlalamig na madaling araw, at sabay nating inalala ang mga bagay na sabay din nating nilimot. Kung paano tayo naging magkaibigan hanggang kung paano tayo naging higit pa roon. Kung paanong sinagot ng isang gabi ang mga tanong ng nag-iinit na katawan hanggang sa kung paanong tinanong sa isang text kung pwede bang sagutin ng relasyon ang tawag ng laman. Kung paanong lihim tayong nag-ho-holding hands, nag-uusap, at pabulong na nag-a-I love you, kasi bawal na may makarinig at makaalam. Kung paanong dahil sa pangamba, takot at pagkagulat sa mga bagay na hindi natin akalaing gagawin natin, sa isang phone call sa nanlalamig ding madaling araw dalawang taon na ang nakalilipas, nakipaghiwalay ka sa akin.

Hindi ako nalungkot habang nakikipag-usap sa iyo. Sa katunayan, masayang-masaya ako nagbalik ka, kahit bilang bahagi na lamang ng nakaraan. Natutuwa na akong gunitain ang kwentong matapang nating sinimulan, kahit pa parehas tayong naduwag na ipagpatuloy. Kung hindi dahil sa iyo, baka hanggang ngayon ay nililito ko pa rin ang sarili sa pagpapakahulugan ko ng pag-ibig, at mananatili kang what-if ng puso kong malimit natotorete.

Dahil sa pag-uusap nating iyon isang hindi inaasahang madaling araw, na nasundan pa ng maraming hatinggabi, ipinaalala mo na nagmahal nga pala ako, sa panahong may tuta pa ang aming kapitbahay na malimit tumahol. At minahal din ako pabalik.  Na sa pagitan ng takot at agam-agam, dahan-dahang sumibol ang pag-asang magmahal muli nang hindi natatakot masaktan.

Hindi kita pagsisisihan.

Advertisements

One response to “Nagbalik Ka, Kaya Nagbalik Din Ako

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s