Sana sa Susunod na Manood Ako ng Sine

Ayokong sa susunod na pagkakataon, mag-isa na naman akong pupunta ng mall, naglalakad patungo sa sinehan habang nasasaksihan at lihim na kinukutya ang mga lintik na mga magsyotang sabik sa isa’t isa at palaging nagho-holding hands. Ayoko na sa susunod na beses na makakasulubong ko ang hindi mabilang na baliw sa pag-ibig, saglit akong magpapaka-negative at iisiping hindi sila tatagal at katulad ng marami pang mga bagay—paboritong damit, bagong sapatos, o bagong-tuklas na porn site—ang mga magkarelasyong ito ay magkakasawaan din. Gusto ko, sa susunod na pagkakataong tinatahak ko ang daan patungo sa sinehan, na kalimitan ay nasa third, fourth o fifth floor ng gusali, pinagtitinginan na rin ako at kinaiinggitan, dahil kasama na kita.  Sabay tayong tatapak sa parehas na palapag ng escalator habang mahigpit na nagkakapit-kamay. Tapos iyong hopeless romantic na nasa likuran natin, tataningan din tayo na para bang cancer patients tayo na naghihintay na lang ng  information dissemination ni Kamatayan. Sana, nandiyan ka na.

Ayokong sa susunod na pagkakataon na pipila ako sa ticket booth, isang ticket lang ang bibilhin ko. Pero gago naman nga ako kung bibili ako ng ticket sa dalawa kung wala akong kasama. Hindi ako mayaman at mas lalong hindi ako elitista para mag-aksaya ng pera para sa imaginary companion na hindi ko alam kung may interes din bang manood ng pelikula. Ang punto ko lang naman, sana sa susunod na beses, ibibili na rin kita ng ticket, dahil sabay tayong manonood sa sinehan. ‘Di bale nang mapagastos ako ng extra two hundred pesos para sa’yo at libre ko na kahit kuripot ako, tutal naman first date natin ‘yun. Kasi gusto kong magkasunod na hihingin ng bantay sa entrance ng theater house ang ticket natin, at sabay nating papasukin ang isang madilim na kwarto at tutunghayan ang isang kwento.

Ayokong sa susunod na pagkakataon, ako lang ang mamimili ng upuan. Kung uupo ba ako sa front row dahil ako ‘yung tipong nearsighted, o sa back row dahil desperado ako at aasang may sasagot sa mga pantasyang naiidlip. Depende rin kung uupo ako sa kanang bahagi dahil lang hindi ko trip sa kaliwa o sa kaliwang bahagi dahil hindi ko trip sa kanan. O kaya naman sa gitna dahil umaasa akong may mabubuong love story sa kung sino mang random person na makakatabi ko sa upuan. Sawa na akong mag-imagine ng fairy tale sa loob ng madilim na lugar kasama ang mga taong hindi ko alam ang pakay sa buhay maliban sa masaksihan lang ang ipapalabas. Sana kasama na kita, at magkakasundo tayo sa gusto nating upuan. Siyempre pauunahin kitang umupo bago ako, at habang kumportable na tayo sa ating kinalalagyan, aakbayan kita at sabay nating sasaksihan ang obra maestrang ginawa ng iba, na siguro, nilikha rin ng tadhana para sabay din nating makita.

Ayokong sa susunod na pagkakataon, mag-isa lang akong mag-re-react sa eksenang hatid ng pelikula. Nakakasawa na ang mag-isa lang na tumatawa, nalulungkot, nasasaktan, nagmuni-muni, inaantok, humihikab o nawawalan ng konsentrasyon sa palabas dahil mas interesante pang panoorin ang magsyotang nag-fe-French kiss sa katabing upuan kesa sa pelikulang maging ang writer yata e hindi mai-connect-the-dots ang istorya. Gusto ko, kasama na kita, at ihihilig mo ang ulo mo sa akin sa mga partikular na eksena. Gusto kong isandal mo ang ulo mo sa akin, sa pagkakataong gusto mong umiyak dahil na-touch ka. Gusto kong sabay tayong maiiyamot kapag napagtanto nating pinasok natin ang movie house sa halagang dalawang daang piso para lang malaman ang kwentong kaya rin naman nating gawin, isulat at higitan kahit pa first grader pa lang tayo. Gusto ko na sabay nating uubusin ang popcorn, sabay tayong dudukot sa kahon, at maglalapat ang mga kamay natin. At hindi na natin kailangan pang magsalita—di gaya ng pelikulang ini-spoonfed ang manonood sa susunod na kaganapan—dahil hindi na lingid sa kaalaman ng isa’t isa kung anong ligaya ang nadarama basta’t alam mong konektado ka sa piling ng sinisinta—magkadikit sa pamamagitan ng balat, ng nagkakaintindihang diwa, at ng nagmamahalang mga kaluluwa.

Ayokong sa susunod na pagkakataon na mag-ro-roll na ang credits, tatayo ako sa kinauupuan na masaya lang dahil maganda naman ang istorya, o malungkot dahil—pusang gala—nagsayang ako ng pera. Ayokong tumayo sa kinauupuan na nakakaramdam ng “okay naman, maganda naman ‘yung pinanood ko” pero parang may kulang. Gusto na kitang kasama sa susunod. Dahil sawa na ako na hindi mo alam ang kwento. At sawa na rin akong walang mapagkwentuhan pagkatapos na pagkatapos. Gusto kong bago ako tumayo sa kinauupuan ko, may nahahagkan akong mga labi hindi lang dahil sa libog at pagnanasa pero dahil sa tinitibok ng puso. At kung sa lebel ng mga salita, hindi ko lang ‘to nais o gusto, ito ay ibig ko. Ibig kong tumayo ng sinehan na hawak pa rin ang iyong mga kamay. Para maramdaman ko sa sarili na nalaman ko ang kwento, sinubaybayan ko ang pelikula, at nilakbay ko ang isang mundo ng imahinasyon kasama ang totoong ikaw.

Ayokong sa susunod na pagkakataon, hindi pa rin kita kasama.

Sana sa susunod na pagkakataon, may pagkakataon na talaga.

Advertisements

4 responses to “Sana sa Susunod na Manood Ako ng Sine

  1. Ang akala q ako lang ang dinadamdam talaga ang panunuod ng sine ng mag-isa. Hehe. Nakakalungkot ngang talaga. SObrang nkka-OP mag-isang magsine lalu pa’t kung gus2ng-gusto mo ang movie at….iniisip mong sana kasama mo ‘siya’ sa mga oras na iyon :/

    Like

  2. Hi! Nagulat ako ngayon na lang ulit ako napadpad dito. Well it got better! Btw, ramdam ko yan. Forever alone ako eh. Lol. Parang sarap pag untugin yung mga magsyotang maPDA. Lol. No worries, darating din si right person on right time and place. Smile na dyan. 🙂

    Like

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s