Tagu-taguan

Dahil Pride Week noong nakaraang linggo sa Unibersidad ng Pilipinas.

Paano mahahanap ng dalawang taong naghahanapan
ang isa’t isa
kung parehas silang nagtatago?

Mapapaglapit ba sila ng kapalaran?
O ng tadhana?
O ni Kupido?
O ng sinasambang Diyos?

Ano ba ang pamantayan
kung mayroon man?
Tiyak ba ang palatandaan para masiguro
na kung maghahanap man nang patago
ang isang taong nagtatago,
matutunton niya rin ang kabiyak ng kanyang puso?

Magkakakilanlan ba sila
sa pamamagitan ng pagpilantik ng daliri
o pagkembot ng baywang?
Mararamdaman ba nila ang tagong ugnayan
sa pamamagitan ng malumanay na boses
o mahinahong postura?

O kaya kapag nagkatitigan sila,
makikita kaya nila ang repleksyon ng isa’t isa
sa kanilang malulungkot na mata?

Hindi rin nila masisisi ang sarili
kung hindi nila nais magladlad o
kung ayaw nilang lumantad.
Dahil madilim man sa kanilang pinagtataguan,
hindi naman sila kukutyain ng lipunan.

Paniguradong matagal na silang may hinahanap,
parang malamig na tubig na sasagot sa kanilang uhaw.
At sa isang lipunang mapangmata,
impokrito,
at hindi patas,
paano sila huhugot ng lakas?

Pero iyon mismo ang kailangan.
Lakas mismo ang kailangan
para baliin ang pananaw,
at para makamit ang inaasam na kaligayahan.

Nagtatago siya.
Nagtatago ka.
Hinahanap mo siya.
Hinahanap ka rin niya.
Paano na?

Advertisements

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s