Kumot

Nag-aagawan pa tayo sa kumot noong gabing iyon, hindi dahil malamig, kundi dahil maraming lamok. Pinili nino – baka ako, o ikaw, o baka tayong dalawa – na sa sahig matulog. Nilapatan lang natin ng banig ang nanlalamig ding semento. Hindi tayo nag-usap kung bakit kailangan nating magtabi doon; naghihintay naman ang malambot na kama, wala namang nag-ookupa sa malambot na sofa. Sa halip, tahimik nating napagkasunduan na sa sahig simulan ang kwento – ang kwentong mabilis ding natapos.

Iyong maliit na kumot – na kinakailangan maging ng isang maliit na tao ang mamaluktot – ang naging panimulang elemento ng ating kwento. Bakit nga tayo nag-aagawan? Dahil ba mahapdi ang kagat ng insekto, o dahil ginusto rin natin na mapaglapit tayo? Nagdikit ang ating mga balat – na kunwari wala lang, na kunwari hindi isang alinlangan – pero hindi ka naman nakapagpigil at hindi rin naman ako tanga. Nagmakasarili ang kumot. Itinago tayong dalawa. At siya lang ang nakasaksi ng matinding uhaw ng bawat kaluluwa.

Sa ilalim ng kumot ko nalaman kung ano ang pakiramdam ng umibig. Hinawakan natin ang kamay ng isa’t isa, habang ikinukubli ang mabigat na palaisipan kung bakit natin iyon ginagawa. Pero sa malalim na gabi, wala tayong pakialam sa katotohanan. Hinawakan ko ang kamay mo nang napakahigpit, dahil ginusto ko ring panghawakan ang pag-asang higit pa ang nangyari sa isang maikling sandali. Noon ko napagtanto kung gaanong kaligayahan ang naidudulot ang maging kapiling ng taong iyong pinakaiibig.

Tinawag ko lahat ng paborito kong santo noong gabing iyon at lihim silang pinasalamatan, sapagkat napasakatotohanan ang isang imahinasyon, ang isang pangarap na tinatanaw mula sa malayo. Ang gabing iyon ang pinakamaswerte kong maituturing sa tanang buhay ko, sapagkat hindi ko lubos akalain na gugustuhin mong magtago sa kumot na kasama ako.

Pero natapos din ang gabi, namahinga ang mga lamok, nagbago ng temparatura ang sahig at itiniklop din ang banig. Doon nagsimula ang kwento nating dalawa na nagpatuloy nang nagpatuloy hanggang sa isang araw, nagwakas na pala.

Minsan, sa pagbabalik-tanaw, manghihinayang ako. At magtataka, ganoon din kaya ang nararamdaman mo? Sinunggaban ko ang makapigil-hiningang pagkakataon na makasama ka sa loob ng telang kakarampot. Katumbas pala noon ay ang paglahong parang bula ng ating relasyon sa labas ng kumot.

Advertisements

14 responses to “Kumot

  1. Abay malandi tong batang to, mapalo nga sa pwet! hehe joke lang..
    Ito na yata ang pinakapaborito kong post mo sa kategoryang ‘fiction’… hehe joke ulit…
    Gusto ko talaga to! May ‘coming-of-age’ feel, mature, and artistic.
    Ay lab et! 😉

    Like

  2. Reblogged this on LOCKLIPS & EAGLEYE and commented:
    I can only say that this is the kind of Filipino literary piece I want to write soon. It seems so catchy and clingy (in a very good way) to the readers and at the same time, it feels real. Maybe this isn’t fiction at all, yeah? 🙂 Ikaw kuya ha, may experience na sa ganyan ha. Haha! 🙂

    Like

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s