Ang Mga Alaalang Nahahawakan ay Ikinakahon

Nang marinig ko ang utos ng lola ko na kailangan ko nang linisin ang kwarto ko, napagtanto kong hudyat na para desisyunan kung alin ang itatabi at alin ang itatapon.

Palagi namang ganoon. Hindi ako ganoon karesponsable sa mga gamit ko, kung kaya’t kapag binisita ang loob ng kwarto kong laging under maintenance, para itong dinaanan ng ipu-ipo. Nagkalat ang mga papel, notebook at mga libro. Normal naman daw para sa isang lalaki ang makalat na kwarto, kaya hindi ako namomroblema. Pero siyempre, iba pa rin ang tumira sa silid-tulugan na alam mo sa sarili mo, hindi pinagtataguan ng ahas.

Nang sinimulan kong kunin ang walis, dustpan at basurahan sa kusina, alam ko na sa sarili kong naiiba ang pagsasalansan ko ng gamit ngayon kaysa sa nakaraan. Ang gawaing iyon ngayon ay may tunog ng nalalapit na paglisan; ang paglilinis ay bumubulong ng paghahanda para sa panibago na namang pintuan na aking bubuksan.

Sa susunod na buwan, hindi na ako ang maninirahan sa silid na iyon. Sa susunod na buwan, iba na ang kwartong makakasaksi ng lahat ng lihim ko.

Pinag-aalis ko lahat ng kagamitan ko sa study table, gayundin sa lahat pa ng sulok-sulok na pinaglalagyan ng mga gamit ko mula unang taon hanggang sa huling taon ko sa high school. Winalis ko ang mga espasyo, inalis ang mga sapot ng gagamba at pinagpag ang mga alikabok. Gusto sanang ibulong ng ideyalistiko kong imahinasyon sa kanila na kailangan nila muling maghanda. Sila kasi ang magtatabi ng maraming alaala na minsan sa buhay ko ay hindi lamang basta-basta alaala.

Pero kung noong nasa yugto ka ng sekondarya mo at sinimulan mong magbagong-buhay sa pamamagitan ng magulo mong kwarto, hindi lingid sa iyo na napakabagal ng proseso. Hindi dahil sa sobrang daming kalat, pero dahil sa hindi mabilang na pamukaw-atensyon. Mapapatingin ka sa activity paper ng kahapon, at magugunita mo ang istorya sa likod ng gusumot na papel na iyon.

IMG_3327

Napakaraming nakatuping papel. Napakaraming ginampanang papel. Nandoon sa nakatagong portfolio na inisa-isa ko ang sandamakmak na xerox copies, na kung matatandaan ko, ang siyang nagdigta ng magiging iskor ko sa test. Nandoon ang mga ipinasang reports, mga research materials at tsaka mga bagay na naging susi ng estudyante para maka-survive sa araw-araw na pagsubok sa silid-aralan. Umaapaw ang mga paulit-ulit na printed copies ng script ng classroom play, listahan ng mga officers sa bawat subject, at maging mga dokumento na kinailangan ng isang opisyales ng silid.

Binalikan ko rin ang mga notebooks mula first year. Hindi ko mapigilang mamangha sa petsa. Sabi nga ng sirang plakang kasabihan, parang kelan lang. Dati, isinusulat ko lang ang petsang iyon na may daplis sa isipan na uusad din ang panahon. Ngayon, hindi ko mapigilang isipin na ako – katauhan ko pa rin ang may hawak ng ballpen nang isinulat ko ang mga numero. Ako, pero marahil sa paglipas ng mga taon, nagbago at nahubog ang maraming perspektibo. (At handwriting.)

IMG_3332

Hindi ko lubos maisip kung gaano ko pinagpuyatan ang mga lectures. Lalo pa noong first year na puro aral ako, hanep ang effort para gumawa ng reviewer. Talagang naka-highlight gamit ang red ballpen sa mga importanteng keywords. Sa isa pang takdang-aralin, nagawa kong magsagad ng pasensya para lang maiguhit ang mapa ng Pilipinas. Mantakin mo iyon, ang daling bilangin ng taon sa kamay, pero mahirap na kung isasabuhay. Sa napakaraming pangyayari noon, ilan-ilan lang ba talaga ang tumatak hanggang sa ngayon?IMG_3330

Hindi ko na rin masyadong matandaan, pero nakatago pala sa kumpol-kumpol na papel ay lihim na hindi ko kayang sabihin sa sinuman. May isang pilas ng papel mula sa kwaderno; iyon pala ay nabigong diary entry ko. At nang aking basahin, isip-isip ko, ganoon pala katindi ang giyera sa loob-loob ko na hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na ilahad sa mundo.

IMG_3340

At ang matindi, naging lugar ang papel sa pagsibol ng damdamin. Hindi ko na nga naikwento sa mga nilalang na humihinga, pero hindi ko pa rin naidiretso sa papel ang gustong isigaw ng puso’t kaluluwa. “He’s in love”, sabi ng planner entry ko isang malamig na madaling araw sa Marso ng nakaraang taon. At ang nilagay kong attribution, “Anonymous”. Pero tandang-tanda ko, ako si Anonymous. Ako ang tumibok ang puso noong mismong araw na iyon.

(Note: Kinilig ako at napangiti bigla habang isinulat ko ang previous paragraph. Syeeeeeet, ang sarap-sarap pala talaga ng pakiramdam noon. Parang kumakanta ang mga puno’t halaman ng awiting pag-ibig lang ang nakakaalam. Che, ang landi!)

IMG_3335

Kahit gaano katagal, natapos din ang pagsasalansan ko ng mga gamit. Natapos din ang pabugso-bugsong gunita. Ang high school ko ay puno ng pinagsamang kaligayahan at kalungkutan, pagdiskubre, pagkabigo at pagkatuto. Noong ako ang nasa sitwasyon, ayoko nang may dinaranas na sakit. Pero ngayong ang kapangyarihan ko na lamang ay pabalikin ang alaala, nakakagaan ng pakiramdam na hindi ako nilagpasan ng sistema na naranasan din ng karamihan. Na ako ay may kwento; na ako ay may nalagpasang pagsubok.

Habang ibinabalik ko ang portfolio sa espasyong yayakap at magpepreserba dito sa ilan pang mga taon, nalaman ko ang isang makahulugang bagay. Ang mga quizzes, activities at marami pang iba ay naging sandigan ng simpleng kaligayahan noon. Na kapag mataas ang grado, o hindi bagsak, dapat nang magbunyi. Oo, tama. Pero kapag mababa ang marka, kalimitang nagiging malabo ang buong araw, nasasakop ng pagkabigo ang marami pa sanang oportunidad. Nalaman kong hindi natin dapat hayan na lamunin tayo ng kalungkutan dahil lamang sa simpleng pagkabigo; na ang pagkakataon ay higit pa roon. Ngayon, maipagbubunyi ko pa ba ang isang simpleng quiz? Hindi na. Dahil sa simpleng kasiyahan lamang iyon. Ibig sabihin, kung hinayaan kong makaapekto ang mga mababang grado sa mga quizzes noon, baka lalo akong manghinayang sa mga sinayang kong pagkakataon para humanap ng kaligayahan na mas tatatak sa buong pagkatao sa paglipas ng panahon.

Mabuti at may mga alaala akong nahahawakan. Kasi, masarap isipin na may mga alaalang pwedeng maikahon, na pwedeng balik-balikan. Na kapag tumanda ka, may patunay ka hindi lamang sa ibang tao, kundi pati sa sarili mo mismo, na hindi lamang panaginip ang lahat.

IMG_3326

Advertisements

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s