Random Thoughts: Countdown sa Katapusan

Note: Isinulat 11:42 ng gabi, Pebrero 21. Inilathala sa blog ng 4:30 ng madaling araw, Pebrero 22.

Sa loob ng apat na taon, naging talatandaan ang isang aklat — nakatiklop, gusot-gusot at naghihingalo ang karamihan sa mga pahina. Pero pusang gala, ang librong napuno ng itim na marka, sa loob ng kulang-kulang isang buwan, magsasara na.

Napaka-exciting ng countdown na ito. Twenty-six days na lang, ga-graduate na ako. Walang masyadong kalampag sa inyo noong sinabi ko, kasi hindi naman kayo ang magtatapos. Pero para sa katulad ko na lilisanin hindi lang ang paaralan, pero pati ang mga kaibigan at lahat ng nakasanayang karanasan, hanep! Babaha ng luha sa graduation day!

Ngingiti-ngiti ako ngayon dahil kung babalikan ko, nalagpasan ko ang mga nakalipas na buwan. Naghuramentado pa ako rito sa blog na kesyo ‘killing me softly’ ang peg ng research paper ko, at para akong nakikipagbuno sa track and field dahil sa finish line ng iba pang requirements na palayo nang palayo habang pabagal nang pabagal ang takbo ko. Ngayon, napirmahan na ang clearance ko. Nakapag-take na rin ako ng unang araw ng final examination. Apat na subjects na ang nagpasilip ng huling test paper sa high school. Pitong subjects na lang, pwede na akong kumanta ng Heaven is a Place on Earth.

Hindi niyo mafe-feel ang pag-she-share ko kasi hindi naman kayo ang parang binibigyan ng deadline. Tipong mamamatay ka na, pero alam mong diretso ka sa langit. Parang ganoon ang feeling. Nagiging sentimental pa ako lately, kasama ng iba ko pang mga kaklase. Kunwari, may pito pang subjects na kailangang i-take bukas. Pero sa isip-isip ko, mabilis matatapos ang bukas. Dadaan na parang alataptap na pakisap-kisap. Kung dati, nag-co-countdown kami na kesyo tatlo o apat na subjects na lang ang kailangang i-take sa third prelims ng second year, first periodical ng third year, o second periodical ng fourth year, ngayon, etong-eto na talaga ang huling bagsak ng high school.

Ang bawat test paper ay katumbas ng huling kwento ng buhay sekondarya. Kapag ibinigay ang papel sa Physics, parang ibinigay na ang huling dalawang palakol mo sa high school. Kapag ibinigay ang papel sa Social Studies, parang iniabot na ang huling matunog na seremonya para sa walang kamatayang geography, history, civics at economics. Kapag ibinigay ang test paper sa Math, parang nabunutan ng tinik sa apat na taong pagmumuni-muni kung bakit nga ba paimportante ang X sa buhay natin.

Mayroon ring mga gurong maaga pa lang, nag-fe-farewell speech na. Siyempre, after kasi ng last day ng periodical exam bukas, puro praktis na lang sa graduation ang aatupagin. Iyong least favorite teacher ko, noong nag-farwell message, aba, nalungkot din ako kahit pa madalas niya akong pahiyain sa klase. Hindi ko na matandaan kung ano ang sinabi niya, pero sa pagkakataong ipinapaalala na puputulin ang kinagisnan sa loob ng apat na taon para humarap sa panibagong kultura at paraan ng pakikisalamuha sa mundo, nakakaramdam ako ng kirot sa puso.

Masyado nang huli siguro, pero masasabi ko na finally, I am part of the group. Ito ‘yung isang bagay na hindi ko isandaang porsyentong naranasan sa dati kong school bago ako lumipat sa school ko ngayon. Sa dati kong school, wawalo ang kaibigan ko, iisa pa ang lalaki. Doon, may pakiramdam ako na na-le-left out ako o kaya na-bu-bully o kaya second choice. Sa school ko ngayon, ganoon pa rin naman ang pangyayari minsan. Pero siguro, nag-mature ako sa pakikisalamuha (tingin ko lang). Nakakalungkot (uli) kasi, mahirap mag-ba-bye sa mga kaibigan. Kung paanong mami-miss ko ang mga babae kong kaklase — lalo na sina Hannah, Faye, Bea at Andrea — kahit hindi ko pa maipaliwanag kung bakit. Kung paanong mami-miss ko ang mga lalaki — lalong-lalo na ang mga bida ng blogs na ito na sina Lyron at Kurt — sa kadahilanang higit pa sa kayang isalarawan ng mga salita at titik. Kung paanong mami-miss ko ang mga taong hindi ko naman naging ka-close pero naging mabuting kasamahan — mga seatmates, groupmates at mga taong nandiyan. Kung paanong pagkatapos ng graduation, mapuputol na ang koneksyon ko sa karamihan. Kung paanong pagkatapos ng araw ng pagtatapos, mawawala na ang closeness. At ang matitira, isanlibong memories.

Ang senti ko. Dapat nag-re-review ako ngayon para sa subjects bukas. Kaso, mas gusto kong magmuni-muni sa mga bagay na karapat-dapat. Hindi na rin naman ako masyadong nagpapaka-review. Ang lamang ko sa academics mula first hanggang third grading kay Kurt, ang second honor, ay umabot na ng six points. Sa extracurricular naman, frontrunner ako. Basta, kaya habang nag-e-exam kanina, nawawala na ang konsentrasyon ko. Iniisip ko kung paano hahabiin ang valedictory address. At kung paanong magiging makatarungan ito para sagutin ang pangarap at mithiing matagal nang uhaw na matupad.

I know, huwag munang magbilang ng itlog hangga’t di pa nangingitlog ang manok. Oo, cross the bridge when you get there. Pucha, naubusan agad ako ng salawikain. Basta, random thoughts ito bago ang katapusan. Sa apat na taon na inilagi ko sa kulturang bago pero kinasanayan, iningatan kong lubos ang librong sinubok din ng panahon at kapalaran. Ang aklat na ito — na naglalaman ng kwento ko kasama ang mga taong mahahalaga sa akin sa high school —  ay titiklop na parang magic spell sa fantasy show. Tipong may stars as visual effects. Sana, sa mga nalalabing araw bago mag-close curtains ang kabanata, magawa ko ang lahat ng bagay na dapat bigyan ng katapusan.

Ito ang high school ko, and I only got 26 days to go.

Advertisements

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s