Nang Ang Mag-Judge ay Taga-TV Patrol

Sa kahuli-hulihan kong pagkakataon para sumabak ng MIMAROPA Regional Schools Press Conference (RSPC) — ang patimpalak na sinasalihan ko para sa campus journalism — bigatin kung bigatin ang judge sa Scriptwriting and Radio Broadcast. Kung noong 2011 ay kinuha nila si Sol Aragones at noong 2012 ay kinuha nila ang taga-Manila Broadcasting Company, ngayong 2013, kinuha nila ang scriptwriter ng ABS-CBN sa marami nilang news and current affairs program.

Kumbaga nga sa video game, malapit na malapit na ako sa katapusan. Kaunting hakbang, talon, untog at kembot ko na lang, maiiligtas ko na ang prinsesa at magkakaroon na ako ng happily ever after. Kaya sinigurado ko sa sarili ko na magbibigay ako ng magandang laban. Kung noong mga nakaraang taon, ang pangalan ng radio broadcast production namin ay Newswaves Express, inisip kong huwag kumapit sa lumang pormula. Napagtanto kong wala nang kwento ang dating titulo ng aming balitang panradyo. Hindi katulad ng mga programa sa TV na kapag napakinggan mo, alam mong may sinasabi na agad, katulad ng Bandila, TV Patrol, Saksi, 24 Oras, Umagang Kay Ganda, State of the Nation at Aksyon. Ngayong taon, ipinanganak ng ideyang hindi ko alam kung may nauna na. Ipinanganak ang ‘Sandigan’.

SCRIPTWRITING CONTEST

Binigyan kami ng isa’t kalahating oras para sa Scriptwriting competition. Ang siste, gagawa ng five-minute script para sa radio production. Hindi naman ganoon kahirap ang proseso. Binigyan kami ng judge na taga-ABS-CBN ng hindi mabilang na press releases. Pumili lang daw ng apat na balita na pwedeng sumakto sa limang minutong pagsasahimpapawid. Kaso, ang mga balita, crime news, mga crime news, crime news. Kakaunti ang national news, at hindi ko pa ganoon ka-feel ang balita sa showbiz. Kahit papaano, sanay na rin naman ako sa ganitong klaseng kompetisyon. Kaya nag-stick kami sa format na “balitang kailangan niyong malaman”. Pumili ako ng isang national news, isang crime news, isang sports news at isang entertainment news. Isabay ang infomercial, directorial instructions para sa technical applications at mga pa-burloloy ko bilang anchor, at presto! On process na ang script for radio production!

Wala akong masyadong naging problema sa scriptwriting proper maliban sa time pressure at sa keyboard na nakakapanibago. Mantakin mo, magkabaliktad ang Y at Z, ang < at >, ang ! at +, at iba pang kamunduhan na hindi ko maintindihan kung bakit idinesenyo sa ganoong paraan. Maliban pa roon, nakatapos kami nang matiwasay. Patunay niyan, nagawa pa naming mag-pictur-an habang nagpi-print ng aming script samantalang ang iba ay hindi magkaintindihan sa sunod na prosesong gagawin para matapos ang sa kanila.

RSPC1

Ang IHMA Filipino Broadcasting Team (L-R): Dwight (Ako), Liandre, Marnelle, Angel, Hannah, Via at John Mark.

RSPC2

Si Angel, ang taga-check ng mga typographical errors ko.

RSPC3

Sina Hannah at Via, tinatapos ang naka-assign na balita sa kanila.

RSPC4

Ini-staple ang script.

RSPC5

Ang astig ng picture na ‘to!

Pagkatapos maipasa ang script para sa judge, binigyan na kami ng ilang oras para mag-ensayo. Ang grupo ko, aba, nagpapakitang-gilas sa practice! (Sabi namin, paraan daw ‘yun ng pang-i-intimidate sa ibang teams. Ganoon din sila. Hehehehe!)

STATION ID

VOICE OVER (VO) 1: D-Z-I-H NOBENTA’Y SINGKO…
ALL: OTSO!
<<LASER SFX>>
VO2: WALA SA IISA…
<<EXPLOSION SFX>>
VO1: KUNDI NASA BAWAT ISA…
<<EXPLOSION SFX>>
VO1 AND VO2: ANG HAMON PARA MAGING… <<DRUM ROLL SFX>> SANDIGAN!

I-imagine mo na binabasa iyan ng lalaki at babaeng may swabeng boses. Ganyan ako ka-proud sa script namin! Sa loob ng apat na oras, palaging ganyan ang pina-practice namin. At dahil nakakapagod sumandigan nang sumandigan, nag-picture taking kami part 2.

RSPC7

Ang pinakamasipag, most hardworking, most dedicated, at ang pinakapaborito kong trainee sa lahat, si Liandre.

RSPC8

Kasama sina Via at Angel.

RSPC9

Ang astig din nito!

RSPC11

Ang pinakapaborito kong batch ng broadcasting sa lahat.

BROADCASTING PROPER

Pagdating namin sa hall kung saan idinadaos ang event, nasaktuhan pa namin ang huling performer sa Filipino group. Pusang gala times two times two! May nanggaya sa dating script ko!!! Walang halong exaggeration o anuman, pero gayang-gaya lahat! Newswaves Express ang pangalan. Parehas ang station ID, parehas ang intro spiel, parehas ang intro sa bawat balita, at parehas ang closing spiel! Kahit alam kong talo sila sa execution, hindi pa rin naging panatag ang loob ko. Pucha, pwede ko silang kasuhan ng plagiarism for heaven’s sake! Paano sila nagkaroon ng copy ng ganoong script?! At isa pa, akala yata nila e basta-basta ang paglalagay namin ng salitang ‘Newswaves’ doon. Iyon kaya ang pangalan ng dyaryo namin — Marian Newswaves! Aba aba mga totoy at neneng! Bunga naman ang script na iyan ng paghihirap ko. At ang script na ‘yan, pinarangalan ng pangalawang pwesto sa buong Pilipinas! Arrrgh!

Anyway, nawalan na ako ng pakialam sa kanila dahil sumunod na ang secondary English. Sa tingin ko, pinakamaganda ang performance ng sa division namin. As in tumahimik lahat ng sa Oriental Mindoro ang nag-perform. Iniisip ko na sila na ang mananalo.

Dumating na ang pagkakataon para sa Filipino group na mag-perform. Panlima pa kami. Sa unang apat na napakinggan namin, Calapan Division ang maituturing namin na pinakakalaban. Super havey ng kanilang infomercial patungkol sa Kasambahay Law — may katulong na Bisaya ang wika tapos inaabuso ng O.A. na amo with matching hampas sa table at sound effects ng nagmamainit na plantsa. Maliban sa infomercial, marami silang mali sa production at parang hindi nila dinamdam ang kanilang technicals — tipong maisingit lang. Isip-isip namin, kaya naming talunin sila.

Nang kami na ang sumalang, binigyan kami ng two minutes para makapag-ayos ng aming technicals. Walang gamit na microphone, natural na boses daw. Sound check, sound check, sound check. Nang i-check ang technicals, pucha! Nagkanda-leche leche ang speaker! Tumatakbo ang dalawang minuto, at dahil nataranta si Angel na aming technical director, hinugot ang connector sa speaker at dali-daling ginamit ang laptop as speaker. Tapos na ang two minutes na preparation time. Presto, bumanat na sa ere ang inyong lingkod!

Sa tingin ko, ayos naman ang boses ko. Okay naman ang pasimula ng production namin. Mahina ang technicals at parang nawalan ng kaunting momentum dahil hindi ginamit ang speaker pero satisfied naman si Angel sa performance ng laptop niya so hindi na ako nakapag-react. Okay na sana, kaso, iyong unang dalawang news presenters ko, inatake ng kaba! Si John Mark na unang news reporter ko, nabulol sa “abiso” at naging “abisa”. Namali rin siya sa syllabication ng “telecommunications”, at pumangit ang pitch ng boses. Si Via naman, muntik nang mawala sa focus nang bahagyang matigil sa kanyang report.

Hindi pa doon nagtatapos ang mga errors namin. Sa infomercial, perpektong perpekto na sana ang kanta namin. Kaso nga lang, bumanat pa ng flat note si Hannah sa huling linya ng kanta. Nawala yata sa focus ang lahat ng members dahil sa obvious mistake na ‘yun kaya nang dumating na muli sa punto ng Station ID kung saan dapat ay sabay-sabay silang magsasabi ng ‘OTSO’, si Via at si Liandre lang ang nakaalala. Lahat sila, nagulat na nagkamali na naman sila.

Iyon lang naman. Naraos namin ang limang minuto nang wala nang mali. Kung akala mo e okay-okay pa iyon, diyan ka nagkakamali. ‘Pag nag-broadcast ka, you have five minutes to win it. Isang sablay, pwede kang sumemplang.

POST-BROADCAST PROPER

Pagkatapos ng contest, siyempre, on pins and needles na naman kami. Pagkalabas pa nga lang sa venue ng kompetisyon ay tanong na agad kami nang tanong kay Sir BJ at kay Sir Landicho (na Tito ko) kung gaano kami naging kahusay at kung gaano kataas ang tsansa. Ramdam ko, at naming lahat, na close fight. Hindi ganoon kapanatag ang loob ko dahil sa sandamakmak na pagkakamali sa broadcast production. Kami ni Liandre (ang paborito kong news presenter), nag-compute pa base sa criteria na ibinigay. Pinipilit namin ang aming sarili na — pusang gala, mahabag na ang kalangitan — ibigay muli sa amin ang korona.

AWARDING

Ilang beses ko na bang inayawan ang pakiramdam kapag awarding na? Pucha, para kang papel na ginugusumot, binibilog at ibinabato. Ang oras, bumabagal. Ang mga taong nagsasalita, bumabagal. Kahit ang mga trophies na hindi naman gumagalaw — OA na kung OA — bumabagal.

Sabi nga nila, anong petsa na? Para kaming sinasabuyan ng water gun na may kasamang yelo, dahil pabugso-bugso ang panginginig namin sa nerbiyos. Kahit pa sa sobrang tagal ng awarding, dumating din kami sa mismong punto. In-announce din ang mga nagwagi sa Radio Broadcast Secondary Filipino.

Sabi ng emcee, uunahin daw muna ang mga special awards. Pero ang unang parangal mismo, BEST RADIO BROADCAST PRODUCTION. Nye! E ‘yun na mismo ang award na maghuhusga kung sino ang tutunga ng Ormoc para bumida sa nationals. Hindi na kami nakakibo ng simulang tawagin ang third to first place. Walang nakatingin sa aming mga miyembro sa nagsasalita, lahat nakatungo. Holding hands. Akbayan. Lahat ng echos na ginagawa sa beauty contests, ginaya namin. Kabado e.

Third place, Division of… Puerto Princesa City! Second place, Division of… Calapan City! And the champion, Division of… Oriental Mindoro!

Hanep, nangatog ang eardrums ko! Palakpakan ang delegasyon ng Oriental Mindoro. Kami, tatakbo sa stage. Ang mga ngiti, purong-puro at abot-langit. Si Sir BJ, akbay-akbay na ako with matching comment na welcome na raw sa Ormoc City. Ayos talaga! Pusang gala, wala nang problema!

RSPC20

Ngiting Ormoc!

RSPC21

Pa-picture once more!

Pagkababa ng stage, umakyat ulit kami. Champion naman sa Best in Script! Grabe, mag-la-landslide victory pa yata. Pagdating sa Best in Technical Application, pangatlo si Angel, pero okay lang. Pagdating sa Best in Infomercial, nganga kami. Wala sa top three. Pero okay lang. Pagdating sa Best News Presenting Ensemble, ako na yata ang pinaka-proud na leader sa lahat. Ang mga trainees ko, champion! Pagdating sa Best News Anchor…

Pagdating sa Best News Anchor, kung saan ang nag-judge ay taga-TV Patrol, sa kauna-unahang beses sa buong buhay ko sa kahit anumang press con, hindi ako nanalo — ni second o third. Nagulat sila, pero siyempre, pumalakpak pa rin ako. Hindi ako bitter ano! Noong sinabi sa akin ni Sir BJ pagkatapos na pagkatapos na “okay lang ‘yun” dahil marami na akong napatunayan, kinagat ko ang pampalubag-loob niya. Hindi ko dinamdam na hindi ako nanalo, kahit pa goal ko ang maka-three consecutive years ngayong taon. Di bale, diretso pa rin naman kami ng Ormoc.

Pero diyusmiyo garapon! Basag ang pinggan, plato at baso ng mga pangarap namin. Umasa kami sa misconception. Ang BEST RADIO BROADCAST PRODUCTION ay hindi pa pala ang overall, kundi SCRIPTWRITING AND RADIO BROADCAST. Kinabahan ako nang matindi, pero nang ipakita sa akin ni Sir BJ ang dalawang trophy na Best in Script at Best in Radio Broadcast, napanatag ako nang kaunti. NANG KAUNTI.

Third place, Division of… Puerto Princesa City. Nakatungo kami, holding hands. Mahigpit.

Second place, Division of… Oriental Mindoro. Tumingala kami, gumaan ang mahigpit. Inalis ang kapit.

Hindi kami nakasigaw, at nakaramdam ako ng kalungkutan na ramdam ko pa rin habang isinusulat ko ito ngayon. Pero ako ang leader ng grupong ito at ako dapat ang manguna sa kanila manalo man o matalo. Tumayo pa rin ako at pinalakpakan ang nag-champion na Division of Calapan City. Umakyat kami ng stage, at ngumiting muli. Kumpara sa unang picture na inakala namin e diretsong Ormoc na kami, napakapeke ng ikalawang ngiti.

RSPC23

The almost-there-but-not-quite smile. Napaka-bittersweet.

Gusto kong maiyak, pero nahihiya ako sa kanila. Sabi ko, sa bahay na lang ako iiyak, o kapag hindi na nila nakita. Sabi ni Sir BJ ulit, “okay lang” dahil marami na naman kaming napatunayan. Sa hindi malamang dahilan, hindi ko ngayon kinagat. Malaking parte ng talaan ng mithiin ko bago matapos ang high school life ang NSPC, at nakalulungkot man, hindi ko na maisasakatuparan ang mga mithiing iyon.

Pangit mang isipin pero parang ipinatalo ko rin ang grupo ko. Kung nanalo sana akong Best Anchor, malamang, diretso kami sa Ormoc. First time akong hindi nagustuhan ng judge. Kung tutusin, na-judge na ako ng taga-TV Patrol Central Visayas at nanalo ako. Nai-judge ako ni Sol Aragones at nanalo ako. Nai-judge ako ng executive producer ng TV Patrol at nanalo ako. Ngayon lang hindi.

Kung natapos mong basahin ‘to, nagulat ka ano? Akala mo panalo, akala mo laging panalo. Well, sabi nga ng division supervisor namin nang makuha ng Oriental Mindoro ang second consecutive na first runner-up sa overall matapos ang undefeated 22 years of championship, “We have won and have been blessed many times. We are letting other people taste the victory that we also had”.

Nakakalungkot talaga at nakakapanghinayang na isinara ko na ang kabanatang nagbigay sa akin ng matinong perspektibo sa pangarap na gusto ko. Nagtapos na ang schools press conference adventure ko matapos ang anim na taon. Hindi naman natuloy ang pag-iyak ko. Iiyak sana ako sa bus pero mas trip ko noong magpaka-Kuya kina Liandre at John Mark na mga katabi ko at alam kong nalulungkot pa rin nang kaunti. Pagdating ko naman sa bahay matapos ang ilang oras na biyahe, itinulog ko na lang ang pighati. Ang consolation prize ko na lang, at least, pasado akong UPCAT! (Wahahaha!)

Mami-miss ko ang batch ng broadcasting team ngayong taon. Sayang, lalo pa’t ito ang batch na pinakagusto ko sa lahat. Mami-miss ko si Liandre, ang mentee ko na nagsimula bilang mediocre perfomer noong nakaraang taon at ngayo’y award-winning na mula division hanggang regional. Mami-miss ko si John Mark, na kahit mahiyain noong una, ay natutong makisalamuha at makipagbiruan. Mami-miss ko si Angel, ang member na nagtagal at hindi ko tinanggal simula nang buuin ko ang broadcast association sa paaralan noong 2011. Mami-miss ko sina Via at Marnelle, na may sari-sariling kontribusyon para pasayahin ang grupo. Mami-miss ko si Hannah, ang dakilang co-anchor ng news production.

Ibinigay ko nang buong-buo ang sarili ko sa labang ito — handa ang sapatos, shorts, boxing gloves, rosaryo at buong pagkatao.  Natapos na ang sandamakmak na rounds, tumunog na ang bell at nag-score na ang mga judges. Simula na para harapin ang buhay pagkatapos ng laban sa ring.

Advertisements

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s