Araw ng ACET

Inabangan ko rin ang paglabas ng resulta ng Ateneo College Entrance Test. Hindi dahil sa gustong-gusto kong pumasa; ayaw ko lang bumagsak.

Pagkagising ko pa lang nang umaga kahapon, dumadagundong na ang countdown sa utak ko. Alas-siyete ng umaga — limang oras na lang at malalaman ko na ang kapalaran ko sa isa sa tatlong mahahalagang entrance exams na kinuhaan ko. Iginayak ko ang aking sarili at bumiyahe patungong paaralan. May commitment kasi ako kahit Sabado, kaya ang plano ko, sa school ko titingnan ang resulta.

Alas-otso ‘y medya nang makarating ako sa school. Sakto, nabawasan ng isa’t kalahating oras ang paghihintay. Diretso ako sa second floor ng faculty room kung saan nagpa-practice ang grupo sa broadcasting. Pagkabungad ko sa lugar, tinanong ko agad si Andrea kung mayroon siyang dalang router — o kung ano mang makamundong source ng internet connection. Sa lahat ng araw na pwede niyang makalimutan ‘yun, kahapon pa!

Sayang. Ang plano ko kasi, i-di-dismiss ko ang team nang eksaktong alas-dose at sabay kong titingnan ang results ng ACET. Tutal may dala naman akong laptop para pagsaksakan ng source of internet connection. Pero wala. Kaya kailangan kong humanap ng ibang paraan.

Sa kasamaang palad, bulok ang laptop ko at hindi nakakasagap ng WiFi. Isa pa, bulok din ang WiFi ng paaralan. Kung hindi pagong ang connection, mayroong password na pati yata mismong administrasyon na naglagay ng password e nakalimutan na kung ano ‘yun. Ano pang silbi ng WiFi sa mga estudyante kung hindi magiging accessible?

Anyway, inabot ng tatlumpung minuto ang pagmumuni-muni ko. Ganoon kahaba ‘yun at huwag ka nang kumontra. Basta’t napagtanto ko na lang na pagdating ng alas-dose at nai-dismiss ko sila, mag-la-lunch ako sa malapit na carinderia at magtitingin ng resulta sa malapit ding computer shop.

Sa loob ng tatlong oras, inilubog ko ang sarili ko sa paperwork. Gawa ako nang gawa ng script sa radio broadcasting. Guhit dito, guhit doon. Sulat dito, sulat doon. May pabugso-bugso ding galit sa mga miyembro na hindi nagseseryoso at ang inaatupag ay ang pagbubuo ng Rubik’s cube (kung hindi ako nakapagpigil, sinamsam ko ‘yun at itinuktok sa mga ulo nila, JOKE). Basta, ang punto ko, pinilit kong kalimutan ang release ng results ng ACET para kapag alas-dose na, wala na akong paghihintay na kailangang atupagin.

Maraming paperwork, at pagtingin ko sa orasan ko, pucha! Alas-diyes pa lang! Bakit ba matagal ang oras para sa mga naghihintay? Oo na, kahit pinilit kong iwaglit sa isipan ko ang “bagsak ng katotohanan” ng ACET, padagli-dagli pa rin siyang dumadaloy sa buo kong sistema. Bigla akong mapapatigil sa pagguguhit gamit ang ruler at haharap sa mga kaklase at magsasabing, “Konting oras na lang, ACET na”. Parang nagpapa-press release ako sa paglabas ng resulta na ako lang ang may pakielam (tutal ako lang ang nag-take ng ACET sa aking eskwelahan). Buti na lang at wala silang magagawa sa pagiging sirang plaka ko dahil ako ang boss nila. (Maliban na lang kung mag-strike sila at sumigaw na ‘Patalsikin!’ ang boss nilang redundant, nonsense, utos nang utos at minsan, parang walang kwenta.)

Itinuloy ko lang ang mga paperwork. Sulat nang sulat. Sulat nang sulat. Sulat nang sulat. Parang isang dekada ko yata inulit ‘yun para lang mabasa ko ang alas-onse sa bago pero parang naghihingalo kong relo. Isang oras na lang, isip-isip ko. Dahil excited na ako nang sobra sa kahihinatnan ng kapalaran ko, plinano ko na i-dismiss sila nang mas maaga – eleven-forty impunto. Pagkatapos ay didiretso ako ng carinderia para mag-lunch ng dalawampung minuto at boom! Tatakbo ako sa computer shop ng katanghaliang tapat.

Kung ano mang kwinento ko sa itaas, ganoong ganoon ang nangyari, maliban lang sa parang nag-slow motion ang oras. Pagdating ng eleven-forty, na-adjourn ang team at sinabihang bumalik ng ala-una ng hapon. Pagkatapos ay tinawag ko ang guro kong Tito na nasa unang palapag ng faculty room para kumain. Nag-tricycle patungo sa carinderia (sabi ko ba malapit?), umorder, kumain at lumunok na parang may nakabarang pressure sa mismo kong lalamunan. Uminom ng Pop Cola at nanabik sa nabasang oras sa maliit na orasan — 11:55. Tamang-tama! Tapos na akong kumain. Maglalakad ako patungo sa computer shop sa loob ng limang minuto, at boom ulit! Babandera na sa akin ang naging kapalaran ko.

Tama ulit ang prediksyon ko. Pagdating ko sa computer shop, katanghaliang-tapat na. Gusto ko sanang sabihin ngayong isinusulat ko ‘to na mabilis ang pangyayari, pero kaya ko lang masasabi ‘yun e dahil tapos na. Katunayan, taliwas ito sa tunay na kaganapan. Sobrang bagal ng internet connection ng computer ko — tipong pinindot ang Slower button ng VLC Media Player hanggang maging 0.33x na lang ang speed nito. O baka sobra lang ang traffic sa site ng Ateneo kaya ganoon. Siyempre, maraming puso rin ang naghihintay — either maitaas o mabagsak at mabasag.

Sa wakas, matapos ang limang minutong paghihintay na akala ko e mas tatagal pa, lumabas ang page ng Ateneo. Sinasabi na isulat ang buo kong pangalan para makita ko ang results. Ang masunuring ako, siyempre sumunod.

ACET 1

Isang click na lang ako mula sa ‘bagsak ng katotohanan’.

Melodramatic kong tutuusin pero hindi ba’t nakakakaba rin ang ideyang isang click ka na lang sa maaari mong maging? Kahit malabo ang tsansang sa Ateneo ako papasok kahit pa pumasa ako, may katiting pa rin ng pag-asa sa kahibuturan ng pagkatao ko na naniniwalang hindi man ako makapasa ng UP, baka pwede ako sa Ateneo.

Inabot pa ng matagal ng panahon ang pag-lo-load ng resulta. Inilipat ko muna ang screen sa ibang tab ng Google Chrome at hinintay na matapos ang paikot-ikot na linya doon sa tab na para sa Ateneo. Nang matapos ang pag-ikot ng linyang nagiging bilog, mabilis kong pinindot ang tab para sa Ateneo at itinakip ang dalawang kamay sa screen. Dahan-dahan. Tipong Kill Me Softly ang peg.

Hanggang sa ang “bagsak ng katotohanan” ay naging katumbas ng pagpasa. Nakita ko ang pangalan ko, kasabay ng ACCEPTED status, at ang pinasahan kong kurso — AB COM na siya kong first choice course. Masaya, pero hindi ganoon kasing saya kung saka-sakaling papasa ako ng UPCAT. Iyong saya ko, saya ng kasiguruhan. Na kapag hindi ako pumasa sa top choice, may second choice. Na kung hindi ko maangkin ang puso ng unang pinakamamahal, may nakahandang rebound. Iyon nga lang, REBOUND.

ACET 2

Papasa rin pala.

Anyway, nanghihinayang ako na hindi ako nag-apply para sa scholarship program noong pinasa ko ang application form. Ayon sa mga nakikita ko sa friends ko sa Facebook, hindi naman yata ganoon kahirap maging grantee ng mga scholarship. Sayang talaga. Kung nakakuha ako ng scholarship, solid second choice ko ang Ateneo. Napagtanto kong ayoko na pala sa UST as second choice dahil sa kawalan ng academic freedom doon. Sa unibersidad na iyon, parang buhay na buhay si Padre Damaso.

Mahaba ang kwento ko, simple lang ang punto. Pumasa ako. Nilagyan ko lang ng drama at mahaba-habang burloloy. Pagkalabas ko ng computer shop at pagbalik ng school, sinabi ko sa kanila na pumasa ako at nai-congratulate din ako ng mga guro ko. ACET down, UP and UST to go.

Sana lang, ganito rin ang maging kapalaran ko sa UP — ang pangarap ko.

Advertisements

3 responses to “Araw ng ACET

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s