Take Four

Maaga akong kinutuban — mga alas-otso ng gabi sa kabahayan. Si Lola, nanonood ng soap opera sa telebisyon. Ang kapatid kong si Julia, nag-aaral sa kanyang silid. Si Tito, nagpapahinga na rin sa kanyang kwarto. Binuksan ko ang website ng Professional Regulation Commission o PRC. At sa mismong pagkakataong iyon na hindi pa trending sa internet ang paglalabas ng resulta — wala pang viral shares sa Facebook, Twitter o saanmang social networking site — tingin ko, naunahan ko ang sangkatauhan sa pag-alam ng inaabangang katotohanan.

Bumilis ang tibok ng puso ko. Nabasa ko ang pambungad na balita sa website. Forty-three percent ang passing rate sa mga gurong kumuha ng pagsusulit sa secondary level. Ayos, sabi ko sa sarili. Malaki ang tsansa ni Tito ngayong pumasa ng board exam. Noong unang tatlong takes niya kasi, naglalaro sa 20 to 30 percent ang passing rate. Ngayong ikaapat na pagkakataon, 50-50 ang chances niya.

Pinindot ko ang link na nagdidirekta sa mismong listahan ng mga nakapasa sa secondary level. Dahil matagal mag-loading, minabuti kong i-minimize ang browser ko. Nagmamadali akong lumapit kay Lola sa sala. Pagkatapos ay binulong ko ang balita, “Mommy (tawag ko kay Lola), lumabas na po ang results ng LET.”

“Ano, hindi siya pumasa?” marahan at masimpatya niyang tanong.

“Alam mo na po ang resulta?” ibinalik ko ang tanong sa mahinang boses para hindi marinig ni Tito, kung saka-sakali mang gising pa siya sa kanyang kwarto. Nagtaka ako kung bakit iyon ang pambungad na tanong sa akin ni Lola. Nalaman na kaya ni Tito bago siya nagkulong sa kwarto?

“Hindi,” sabi ni Lola.

“Walang sinabi sa’yo si Tito?”

“Wala,” sagot niya. Pagkatapos ay ikwinento ko sa kanya ang malaking pag-asa ngayon ni Tito na makapasa — kesyo mataas ang passing rate at siguro naman, panahon na ni Tito ang pumasa.

Bumalik ako sa harap ng laptop, pero ngayon, kasama na si Lola. Binuksan kong muli ang browser, tiningnan kung tapos nang mag-load ang pahinang naglalaman ng kumpletong listahan ng mga mapapalad. Hindi umuusad ang loading time. At dahil tinetensyon na ang puso ko sa sobrang pananabik at kaba, humanap ako ng ibang website na maaaring naglalaman ng resulta.

Eksakto. Mabilis akong nakakita ng isa pang website na naglalaman ng list of passers. Paunti-unti kong ibinaba ang pahina. Mula sa letter A hanggang letter E. Pagkatapos ay binilisan ko hanggang makarating sa Letter L, ang titik kung saan nagsisimula ang apelyido ng Tito ko.

Habang paparating sa mismong apelyido niya — na nagkataon namang middle initial ko dahil kapatid siya ng aking ina — napansin ko ang pangalan ng isa pang guro sa paaralan namin na kumuha rin ng pagsusulit. Take three na niya, kung hindi ako nagkakamali. At nang makita ko ang pangalan niya, nagkaroon ng saglit na kasiglahan sapagkat sa wakas, pumasa rin siya.

Ipinagpatuloy ko ang pag-i-scroll ng page. Si Lola, tahimik na nakadungaw sa may likuran ko. Hangga’t hindi namin nalalaman ang resulta, hindi muna namin ipapaalam kay Tito na kasalukuyang nasa kwarto.

Dumating na mismo sa apelyido niya. O ang simula ng kanyang first name, at ang unang pasado mula sa apelyido niya ay may first name na nagsisimula sa A. Itinigil ko ang pagpindot ng downward arrow sa keyboard. Inalis ko muna ang aking mga daliri sa laptop.

Hinagod ko nang panandalian ang dibdib ko. Sa pagkakataong iyon, nahanap ko ang paralelismo ng UPCAT at ng LET. Pagdating ng Pebrero, darating din ako sa puntong dahan-dahan kong ibababa ang pahina, nagdarasal sa bawat pangalang lilipas na hindi malilikdangan ang aking pangalan. Noon, habang pinipindot ko ang downward arrow ay tahimik akong nananalangin na makikita ko ang pangalan ni Tito. Dahil doon mismo, kung saan tila dinig ang pagsakal ng kaba sa puso, napagtanto kong para ko na ring hinahanap ang pangalan ko — na parang ang pangalan ni Tito ay akin, o na ang tinitingnan ko ay may direktang koneksyon sa magiging kapalaran ko hindi lamang sa isang lintik na entrance exam, kundi sa inaasam na kinabukasan.

Ibinalik ko ang isa sa mga kanang daliri sa keyboard. Pinindot muli nang isang beses ang downward arrow ng keyborad. Sa letrang D nagsisimula ang first name. Nakakahinga pa ako nang maluwag sapagkat may pag-asa pa. Hindi pa letter O at hindi pa siya nalalagpasan. Sa paglalakas-loob, pinindot ko ang downward arrow nang tatlo pang beses. At sa isang nag-iisang segundo, lumagapak sa sahig ang pagkabigong hatid ng reyalidad, ang panibagong dagok sa pinagdaralasang tadhana. Doon sa nag-iisang segundong iyon — kung saan kalahati pa lamang marahil ng 43% na nakapasa ang nakakaalam na pumasa nga sila — si Tito, na alam ko sa kahibuturan ng aking puso ang dedikasyon sa pagtuturo, ay kabilang sa 57% na hindi pinalad.

Nagtinginan kami ni Lola. Nag-usap. Halata sa bawat isa ang kalungkutan. Ikaapat na pagkakataon, ikaapat na subok, ikaapat na pagkabigo. Para sa taong mahal na mahal namin, kabahagi kami ng kalungkutang hindi kailanman maipagsasarili.

Umasa ako, na baka mali lang ang pagkaka-alphabetize ng resulta. Na baka ang pangalan ni Tito ay naligaw lamang sa lintik na listahan ng mga nakapasa. Pero sa kasamaang palad, wala talaga ang pangalan niya.

Sa kanilang pitong kumuha ng pagsusulit galing sa eskwelahan, lima ang pumasa. Isa lamang siya sa dalawang sa kamalas-malasan, ay patuloy na minamalas.

Umalis na si Lola sa kanyang kinauupuan at malungkot na bumalik patungo sa harap ng telebisyon — kung saan ang soap opera ay nagpapahiwatig ng kalungkutan. Ang pinagkaiba nga lamang, ang sa palabas ay nagmamalabis kaya’t hindi kapani-paniwala. Ang sa amin naman, hindi naririnig pero dumadagundong dahil sa sobrang katahimikan.

Pinili kong huwag sabihin kay Tito. Nagmaang-maangan ako sa sarili na hindi ko alam ang resulta. Di naglaon, pinatay ko na ang laptop; ganoon din ang ilaw. Habang patungo sa kwarto, narinig kong tumunog ang cellphone ni Tito sa kanyang kwarto, hudyat na may nagpadala ng mensahe sa kanya. Siguro, sa mismong pagkakataon na pinindot niya ang OK ng cellphone para mabasa ang text, nagsimula ring dumagundong ang pagkatalo — nababalot sa kwarto niyang patay ang ilaw at ang maririnig ay ang huni ng mga kuliglig na sumisimbolo ng hindi maiwasang kalungkutan. Patakbo akong tumungo ng silid, pinatay ang ilaw, nagtago sa mga kumot, at ipinikit ang sarili sa pinaghati-hatiang kalungkutan. Noong gabi ding iyon, nagtapos ang yugto ng paghihintay. Kinabukasan ay panibagong kabanata.

Sana lamang, sa kabila ng hapding idinulot ng sariwang kabiguan, may pag-asa pang nananatili para sa maraming kinabukasan. At nawa, tumamis pa lalo ang inaasam na tagumpay.

Advertisements

4 responses to “Take Four

  1. Sorry to hear that. I wish I can say nice things para mapagaan ang loob mo pero I don’t want to sound fancy, as if assuming that I know the feeling. Pero everyone has his own share of failure so I quite know how it feels.
    I just hope na kayanin ng uncle mo ang phase na ito at patuloy na umasang meron paring pag asa. With you by his side, alam ko kakayanin nya yan. At parepareho tayong magiging masaya kung sakaling darating ang araw nya at araw mo ng tagumpay. 🙂

    Like

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s