Maynila Diaries: Brain-Train Review Center

Ito na marahil ang huling installment sa aking Maynila Diaries series. Lingid sa kaalaman ng mga kaluluwang ngayon lamang nabigyan ng pagkakataong mapadpad sa one-month old blog na ito, lumuwas pa ako ng Kamaynilaan para lamang pumasok sa isang review center. Nagbakasakali, o kaya naman ay naghanda, para sa nalalapit na pagkuha ng mga entrance exams sa kolehiyo, partikular na nga ang UPCAT.

At naging malaking bahagi ng aking pagtuklas sa Kamaynilaan ang Brain-Train Academic and Review Center. Mga Marso pa lamang noon, pinag-iisipan ko na kung saang review center ba dapat mag-enroll. Naging salik sa aking pagpili ang halaga ng review, lugar na titirhan, pati na rin ang kapasidad ng review center na palawakin ang kaalaman ng mga nagiging mag-aaral nito. At sa hinaba-haba man ng prusisyon, sa Brain-Train din natuloy.

Well, sumali ako sa essay writing contest ng Brain-Train kung saan ang mga mapipiling sanaysay ay mabibigyan ng pabuya: libreng review na nagkakahalagang humigit-kumulang walong libong piso. Grabe, ang swerte ko! Naisakatuparan ang aking kagustuhan nang hindi masyadong nagiging pabigat sa gastusin sa aming pamilya.

At iyon na nga, nang dumating ang ika-30 ng Abril, sinimulan ko na ang aking paglamon sa mga impormasyon ng akademya sa nasabing review center. Tatlong magkakasunod na araw sa isang linggo, sa loob ng isang buwan. Naging madugo minsan, mula sa paggising ng alas-singko ng umaga para hindi maabutan ng traffic sa Aranetahanggang sa pag-aabang ng bus na hindi ka tatratuhing daga sa sobrang siksikan. Sa totoo lang, may daplis din ng kaligayahan akong nararamdaman sapagkat hindi lamang ako natututo sa mental na paraan. Bagkus, natutuhan kong makisabay sa mabilis na pag-andar ng mga pangyayari sa kabisera. Kung hindi ako makikipag-unahan, tiyak na patuloy akong mapag-iiwanan.

Balik tayo sa Brain-Train. Simulan ko sa mga karanasan ko sa aking mga kaklase. Tanggapin ko man o hindi, totoong ang kinabibilangan kong section ang binigyan ng descriptive name na lifeless section. Hindi ko nga lubos maisip kung bakit pahapyaw lang kami kung tumawa, o kung kamalas-malasan pa ng guro, wala talagang tumatawa. Mabenta naman ang mga jokes kung tutuusin, kaso, parang may presyo ang paghalakhak namin. Tipong kumakain ng Magnum na kung hindi mo titipirin, naubos mo na, hindi mo pa rin alam kung ano ang rason kung bakit mo ito binili.

Mabait naman ‘yung mga kaklase ko. Iyon nga lang, mahiyain, katulad ko. Okay, hindi naman talaga ako mahiyain. Hindi ko lang talaga siguro ka-wavelength ang karamihan sa mga naging kaklase ko, kaya paminsan-minsan lang ako kung magsalita. Minsan, mas gusto ko pang mag-focus sa mga paksang napag-usapan kaysa makipagkwentuhan ng mga buhay-buhay sa mga kaklase kong nagpapakiramdaman pa. Hindi naman ako forever alone, dahil may kasama akong kaklase mula sa paaralan ko sa probinsya. Siguro, hindi lang ako masyadong nagkaroon ng interes na kilalanin ang aking mga kasamahan.

Gayunpaman, nalungkot din ako noong huling araw. Siguro naman, lahat ng pamamaalam ay may dalang kalungkutan. Sila ang mga espiritong naging bahagi ng aking buong sistema sa nakalipas na apat na linggo, kung kaya’t nagdulot din ng tinik sa dibdib ang mga salita ng pamamaalam.

Mga Mag-aaral ng Brain-Train Quezon City Section 14-A (Imahe mula kay Janelle Go)

Noong huling araw nga ay pare-parehas pa kaming naka-white na damit, para raw kasi uniform sa picture-taking. Ayos naman ang aming mga ngiti, kaso, ‘yung nagsilbing photographer, hindi. Ang litrato sa itaas ang pinakamaayos na kuha ng nag-picture sa amin, at take note, limang beses niya kaming kinuhaan ng larawan sa limang magkakaibang camera/cellphone. Well, pasalamat na lang kami. At least meron.

Sa mga nakilala kong mga estudyante, salamat na rin sa pagkausap niyo sa akin minsan kahit pa mukha akong isnabero. Nawa, lahat tayo pumasa ng UPCAT, mapa-UP Diliman man o UP Mindanao!

***

Noong huling araw, nagkaroon kami ng simulation exam. Grabe! Hindi ko lubos maisip na sobrang bilis lang pala ng apat na oras. Aaminin ko, nahirapan talaga ako sa pagsusulit. Natapos ko lang sa mismong kaorasan ang Reading Comprehension at Language Proficiencysamantalang maraming blangko sa parte ng Mathematics at Science. Pinagsusuntok yata ako ng matinding kaba at tinadyakan ng pressure. Tapos itong si time limit, backstabber. Presto, muntikang mental-block!

At pagkatapos ng apat na oras ng nakakahilong shading of circles, binigyan kami ng evaluation sheet patungkol sa aming naging karanasan sa Brain-Train Sa isip-isip ko, ano ba ‘yan? Paano ko kaya masasagutan ang isang evaluation form gayong apat na oras akong nalugaw sa napakaraming tanong? Hindi ko tuloy mahanap ang pinakamabulaklak na salita para tumbasan ang galing ng mga nagturo sa amin, kaya ayun, kung anu-ano na lang yata ang pinaglalagay ko sa papel. Nakaka-pressure pa ang mga tanong lalo pa’t nasa wikang Ingles. Buti na lamang at hindi ako nag-nosebleed.

So, dito ko na lang ilalagay ang mga sagot ko sa mga tanong sa evaluation form. Ikukwento ko na rin dito ang mga naging karanasan ko sa aking mga naging guro. Sa mga nakaabot sa parteng ito ng sanaysay na wala pang nililikdangang talata sa itaas, binabalaan ko na kayo. Mahaba-habang kwentuhan pa ito.

Unang tanong, “what do you like best with how the reviews were conducted?”

Sinagot ko ito sa wikang banyaga. Kaso, nakailang bura pa yata ako noon dahil hindi ko lubos mapagtanto kung ano ba ang mas tamang gamitin, like best o like the most. At ngayong tinitipa ko ang maala-nobelang artikulong ito, nalaman ko na ang sagot. Hindi sa like best o like the most kundi sa mismong tanong. Kung ano nga ba ang nagustuhan ko.

Ang pinakanagustuhan ko sa buong review, siyempre, ang mga guro. Hindi ito exaggeration pero masasabi kong nagtipon-tipon doon ang mga may karisma sa pagtuturo. Wala silang degree sa education ngunit alam nila kung ano ang pinakaepektibong paraan para matandaan ng mga estudyante ang napakaraming detalye. Napaka-energetic din nila at tila kahihiyan kung tutulugan mo sila sa klase.

At higit sa lahat, mararamdaman mo ang sinseridad nila sa bawat bigkas ng kaalaman sa kanilang mga itinuturo. Ito ‘yung tipong nais nilang ipangalandakan sa’yo na “Hindi pera ang habol ko sa’yo. Ang gusto ko, matuto ka. Ang gusto ko, pumasa ka”. Gusto nilang iparamdam sa bawat mag-aaral na kakayanin mong pumasa basta’t determinado ka at naniniwala ka sa sarili mong kakayahan. Doon pa lang, sigurado akong walang sinumang estudyante ang nanghinayang sa perang binayad niya.

Pangalawang tanong, “what are the things that you don’t like with how the reviews were conducted?

Ang hirap sagutin ng tanong na ito. Ayoko kasing iwang blangko kaya kailangan ko pa ring maghanap ng butas. Sa totoo lang, invalid ng kaunti ang sagot ko. Ang ibinandera ko kasing sagot, schedule. Nahirapan kasi ako sa Monday-Tuesday-Wednesday schedule kaya kailangan ko pa ng energy drink para tuluyang magising sa klase. Well, iyon lang naman at hindi naman kasalanan ng Brain-Trainiyon dahil iyon talaga ang pinili kong schedule. Sa madaling sabi, wala akong maipupula sa review center na ito.

Pangatlong tanong, “what are your other comments with how the reviews were conducted?

Sa palagay ko, ito ‘yung pang-brochure na feedback. Kaya mas matino ang sagot ko rito. Sabi ko, “Choosing Brain-Train is like answering the multiple-choice of the UPCAT. When you’ve found the right answer, why waste your time looking for the other options? You only have four hours to make or break the entrance test, the same way that you only have an entire summer to boost your passing chances.”

Totoo naman e. Sige na nga. Hindi ako credible. Bakit? Kasi, hindi ko naman nasubukan ang ibang review center. Pero kung nasiyahan ako sa estilo ng Brain-Train, bakit ko pa pipiliting tuklasin ang estilo ng iba? Parang commercial ng shampoo lang ‘yan. Bakit ka pa susubok ng iba kung may nandiyan na talagang napatunayan na? Period.

Sumunod naman ay mga komento sa mga naging guro.

Unang guro: Ms. Dewmaine Sales-Ladaga (Grammar at Language Proficiency)

Habang sinusulat ko ang patuloy na humahabang sanaysay na ito (na katakot-takot mang isipin, baka wala nang bumasa sa sobrang haba at sobrang corny), si Ms. Dewmaine ang nasa isip ko. Gusto ko kasing i-apply ang anumang natutunan ko, mula sa tamang pag-uulit ng salita hanggang sa tamang paggamit ng mga panipi at kuwit. Malaki ang naiambag na karunungan sa akin ni Ms. Dewmaine. Dahil sa kanya, naliwanagan ako sa subject-verb agreement. Natuklasan ko rin ang mapagbirong tenses of the verb. Pati ang paggamit ng comma at semi-colon, naituro rin niya. Hindi rin makakalimutan ang copyrighted theorems niya — ang INUNAT formula, WEH test at kahindik-hindik na Dewmainean theorem. Kung hindi dahil sa kanya, malamang, sobrang dami ko pa ring sablay na natutunan sa gramatiko. So everyone, always remember, it’s not you, it’s I.

Maraming memorable quotes si Ms. Dewmaine. Katulad na lang ng kanyang pang-aalipusta sa grammar ni Nicole ng Pussycat Dolls sa isa sa kanyang mga kanta. Sabi tuloy ni Ms. Dewmaine, “Nobody is perfect naman. Hindi naman pwedeng maganda na, sexy pa, tapos correct pa ang grammar. Ano siya, AKO?!”

At siyempre, ang kanyang pabaong paalala na hiniram niya mula sa taong hindi ko kilala, “If you think you can, you’re right. If you think you can’t, you’re also right.”

Salamat Ms. Dewmaine!

Ikalawang guro: Sir Sargei Azurin (Language Proficiency)

Hindi naman sa pagmamayabang, pero noong simulations, hindi ako nagtagal sa logical organization part. Napaka-useful ng turo ni Sir Sargei, madaling malaman kung ano ang unang pangungusap sa lupon ng mga pangungusap.

May pagka-O.A. si Sir Sargei sa klase, lalo na kung binabanggit na niya ang mga katagang “Hindi pwede!” Nakakagulat ‘pag minsan, pero napakagandang estilo noon para mas lalong maramdaman ang kanyang presensya. Sikretong malupit, pero iniidolo ko si Sir Sargei. Balak ko rin kasing kumuha ng kurso na may kinalaman sa mass communication, at tingin ko, kailangan ko ang mga characteristics ni Sir Sargei para maging masuhay sa larangan ng paghahatid ng impormasyon. Clap-clap!

Ikatlong guro: Sir Elmer Rufo (Reading Comprehension)

Trust me, sa Brain-Train lang kayo makakakita ng teacher with a flower and a curly stem. Bongga! Sa totoo lang, nakakatakot si Sir Rufo, tipong napapaihi ako kapag klase na niya. Akala ko, hindi ako pagdidisketahan ni Sir Rufo pero sinigurado niya yatang magiging alipin niya ang lahat. Hanep! Kung may hindi ako makakalimutang karanasan, ito iyong lumapit sa akin si Sir Rufo at tinanong ako kung handa na ba akong magpakasal tapos itinusok niya ang dala niyang pentelpen sa nipples ko (oh my gawwd!). At hindi lang simpleng “no” ang sagot, dapat, may tono ‘yung “no”. Tipong “noooooooo!” tapos pinapagaspas mo ang dalawang kamay mo. Nakakatawang nakakapanlumo.

Pero nagpapasalamat ako dahil binigyan kami ni Sir Rufo ng feeling kung paano ba maging isang college student at kung ano ang environment ng pagtuturo ng mga professors. Hinding-hindi ka mababagot sa klase niya, lalo pa’t matindi ang drama niya kapag naguturo. Oo, nag-de-declame si Sir Rufo. Buti na lang, tama ang mga sagot ko sa mga tanong niya at hindi rin ako ang pinakamababa sa practice tests. Sa huli, ibang kaklase ko ang nagpakapal ng mukha at nag… Teach Me How to Dougie!

Ikaapat na guro: Sir Irvin Domingo Jr. (Geometry)

Pakiramdam ko, si Sir Irvin ang pinakapaborito ng klase. Kumbaga, sa aming paghalakhak na tila may katumbas na presyo, si Sir Irvin ang nagsilbing addiction. Promise, si Sir Irvin ang pinakamayabang, pinakahambog at pinaka-narcissistic na gurong nakilala ko. Pero si Sir Irvin ang tipo ng taong mayabang pero hindi ka mayayabangan. E sa kung may ipagmamayabang e? Sa Brain-Train ka lang makakahanap ng three-time national champion for three consecutive years in Chemistry. Grabe talaga, pang-“NATIONAL!”

Si Sir Irvin marahil ang pinaka-havey na guro. Nagmamarka ang mga hirit niya, pamula sa “parang ako lang ang masaya”, “nakakainis!”, “look to the left and say… supplementary”, “walang reaksyon”, “anong kwento?”, “I vowed to myself that I will never commit the same mistake again!”, “b1 + b2 x height divided by 2!” hanggang sa napakarami pang iba. Pati na rin ang pakikipag-away niya sa teacher ng… Biology!

Ang hinding-hindi ko makakalimutang parte sa pagtuturo ni Sir Irvin ay ang huling araw. Nagkaroon kasi kami ng parang quiz contest at biruin mo, bulungan ba naman kami at sabihing “Guys, we’re live on national television!” At pagkatapos ay may prepared opening salvo na dinaig pa si Luis Manzano at ang kanyang ka-look-alike na si Xian Lim. Feeling ko tuloy, frustrated tv host itong si Sir Irvin.

Nga pala, hindi rin sa pagmamayabang pero national winner din ako. Two-time national champion nga lang at five-time national second placer. Pwede na rin ako kahit sa kalingkingan ni Sir Irvin. NATIONAL!

Ikalimang guro: Ms. Anabelle Nunez (Miscellaneous Math)

Paborito ko rin si Ma’am Belle sa kadahilanang nag-eexcel ako paminsan-minsan sa subject niya. Nagbigay din siya ng mga techniques at shortcuts para mas madaling masagutan ang mga tanong. Sigurado akong walang makakalimot sa walang kamatayang “Repetition or no repetition? Order or no order?”

At ito ang memorable quote mula kay Ma’am Belle at sinabi niya ito noong nagtuturo siya ng arithmetic at geometric sequence. Sabi niya, “Kapag arithmetic, may… common difference. Kapag geometric sequence, may… common ratio. Kapag Brain-Train students, may… common sense. At kapag non-Brain-Train students, nonsense. Joke!”

Ikaanim na guro: Sir Randy Ladaga (Biology)

Ang may-ari ng Brain-Train at ang matinding kaaway ni Sir Irvin. Hirap talaga ako sa Biology kaya aaminin kong hindi ko naman natutunan lahat. Pero memorable ang karamihan sa mnemonics ni Sir Randy. Hinding-hindi ko na makakalimutan ang cereballance, veins vack to the heart pati na rin ang phood is for phloem. Naintindihan ko ring maigi ang mga blood types. At least, nadagdagan na (at madadagdagan pa) ang mga kaalaman ko sa Biology at tataas ang tsansa kong hindi mangulelat sa agham pagdating ng pagsusulit.

Siya rin ang nagbigay sa amin ng gabay sa pag-fill up ng UPCAT form. Hanggang ngayon tuloy, pinag-iisipan ko ang UP Mindanao option!

May kwento rin si Sir Randy tungkol sa baboy na mahilig mag-ensayo. Open-ended ang istorya kaya parang walang kwenta. Hindi ko alam kung sinadya o hindi pero parang si Sir Irvin ang nagtapos ng kwento. At figuratively, tamang pagnilayan ang kanilang mga payo. Woop woop!

Ikapitong guro: Sir Get Sumagang (General Science)

Okay, mas-O.A. pala si Sir Get kaysa kay Sir Sargei. Pakiramdam ko, inspirasyon ni Sir Get si Sir Randy sa pagtuturo. Tipong isinalin ni Sir Randy ang kaluluwa niya kay Sir Get o kaya naman, younger version si Sir Get. Hindi ko matandaan ang pinakamahalagang paksa na itinuro ni Sir Get pero may isa siyang balita na nagmulat sa kamuwangan ng karamihan. Ito ay ang kwento patungkol sa kalagayan ng Maldives at ang kauna-unahang climate refugees. Marahil huli lang ako sa balita, pero ang kanyang ulat ay nagsilbing paalala sa mga bagay na kailangang aksyunan sa ating kalikasan.

Ikawalong guro: Ms. Michelle Bincolado (Chemistry)

Walang duda, siya ang female counterpart ni Sir Irvin. Oo, parehas kasi silang pang-“NATIONAL”. Nakakatawa ang mga mnemonics ni Ms. Mich lalo na ang sa Periodic Table of Elements. Para matandaan ang Halogens group na binubuo ng Fluorine, Chlorine, Bromine, Iodine at Astatine, tandaan lamang, First-Class Bra, Inagaw ni Ate. Swabe! Maliban pa roon, useful rin ang mga acronyms na GEROA at LEORA. At ang mnemonics within a mnemonics, ang “front-door-front” mnemonics. Ikaw na nga Ms. Mich!

Ikasiyam na guro: Sir Luis Gabriel Catalan (Physics)

Natural na kwentista si Sir Gee. Parang hindi scripted ang mga banat at ayos ang timing ng mga punchlines. Matindi ang hagalpakan ng lahat ng ikwento niya ang kanyang karanasan sa isang Enhanted Kingdom ride na hindi ko na matandaan kung ano ang pangalan. Pati na rin ang kwento niya sa kanyang girlfriend at kung anu-ano pang relatable na karanasan. Naintindihan ko namang mabuti ang mga itinuro niya at hindi na ako gaanong nalito. Lalo na sa three laws of motion.

May nakalistang quotation sa thickler ko. Malamang sa kanya galing ang mga linyang ito. “May mass ka, may mass ako at may distance between the two of us. Ibig sabihin, may attraction tayo sa isa’t isa.” Pick-up line the genius edition!

Ika-10 guro: Sir Edu Jatulan (Algebra and Trigonometry)

Balak ko sana, lagyan ng komento si Sir Edu J. sa pamamagitan ng isang salita lamang. Ang salitang malimit niyang sabihin, whatever! Pero baka ma-misinterpret ni Sir. Siya ang gurong mahilig mag-ugnay ng matematika sa pag-ibig. Kaso, minsan, no reaction talaga kami sa mga banat ni Sir. Kaya palagi niyang sinasabi, “Try niyong magmuni-muni tapos itanong niyo, ano ba ang purpose ko sa mundo?” Isa sa mga paborito ng kaklase ko si Sir Edu J dahil daw mahilig mag-joke na wala namang tumatawa. Totoo nga naman.

Hinding-hindi mawawaglit sa isipan ang TAE method, lalo pa’t in-exaggerate ito ni Sir Irvin. Salamat din sa pahapyaw sa logarithms!

Iba pang mga guro: Ms. Love Nagpala (Biology)/ Sir Paulo Perez (Algebra)/ Sir Joseph Roble (Language Proficiency)

Salamat din sa iba pang mga naging guro ko sa Brain-Train. Kay Ms. Love na maraming kwento sa kanyang karanasan sa medical school (mula sa pagtutuli hanggang sa kapalaran ng sanggol na itinapon mula sa bintana). Kay Sir Pau sa napakalalim na salitang ‘indeterminate’. At sa artista naming guro na si Sir Joseph Roble (na inaming may manboobs siya).

***

Okay, kailangan kong makagawa ng conclusion sa artikulong ito na may halos 3000 words na at kung tutuusin, wala na talagang magtitiyagang magbabasa. Sa kung sinumang nakarating sa talatang ito na walang nilikdangan kahit isa, mag-comment ka lang at ipagdarasal kita.

Ang konklusyon ko marahil ay katulad ng extro spiel ni Zenaida Seva sa Umagang Kay Ganda. Hindi hawak ng review center (mapa-“NATIONAL” man ‘yan o pipitsugin) ang iyong kapalaran. Gabay lamang sila. Aaminin ko, alam kong hindi ganoon kataas ng score ko sa simulations. Marami pa akong dapat matutunan. At hindi ko dapat ikondisyon ang aking sarili sa ideya na basta pumasok ka sa isang mapagkakatiwalaang review center, paghaharian mo na ang anumang college entrance exam.

Sige na nga, gagayahin ko na si Sharon Cuneta sa mga pagkalaki-laking billboard niya sa bago niyang talkshow. Magpakatotoo na tayo. Hindi ibig-sabihin na pumasok ka sa review center, lalabas kang may IQ na kasintaas ng kay Einstein. Marahil may ilan-ilan, pero hindi lahat. Sa halip, matatapos ang paglalakbay mo sa review center dala-dala ang napakaraming armas. Pero kung hindi mo alam kung paano gamitin at aanga-anga ka, malamang, magsilbi lang itong mga props pagdating sa aktwal na giyera. At ang worst case scenario, pati pagbuhat, hindi mo kaya.

Ang review center ay parang paunang hakbang patungo sa pagbuo ng pangarap. Kung hihinto ka na at hindi na ipagpapatuloy ang paglakad, makukulong ang sarili sa mentalidad na hanggang dito na lang siya. Pansariling determinasyon pa rin, sa tingin ko, ang pinakamabisang sandata para magamit sa epektibong pamamaraan ang mga ipinamanang armas.

Sa mga naging guro ko, salamat sa pagturo sa tamang daan. Salamat dahil ibinigay niyo sa akin (at sa aming lahat) ang direksyong dapat pang pag-ibayuhin at pagsikapan. Hindi pa man ganoon kataas ang marka ko sa matematika o sa agham sa simulation exam, pero at least, itinuro niyo sa akin ang paraan ng pag-eensayo. Sa ganoong paraan, magiging handa ako sa tamang oras na itinakda ng kapalaran.

Whoa! At lumagpas na nga ng 3000 words ang artikulong ito. Ititigil ko na talaga ang pagtitipa. Wala na naman akong sasabihin. Sa mga kapwa ko Brain-Train students, lubos sana nating nakamit ang napakapopular na Brain-Train advantage!

Advertisements

48 responses to “Maynila Diaries: Brain-Train Review Center

  1. Bravo Dwight! Ang galing! Panalo ang “Zenaida Seva” comment mo, hahaha! Share mo sa groups ninyo.

    PS: At bakit hindi mo inilagay na AKO ANG FAVORITE mo??? ‘Di ba sabi mo sa private message mo sa akin? Wink wink!

    Like

      • yeah, a dormant one. hahah.. maski din ako ako, Lagpas na nung 1, nagsusulat pa rin dun sa evaluation sheet, bura lang kasi ng bura d na tuloy mabasa. haha. yung proctor tuloy namin sa labas na naghihintay. haha

        Like

        • Mahirap talagang sagutan ang evaluation sheet, lalo pa’t ang nasa isip ko na noon ay umuwi at kumain!

          About sa blog, naka-tatlong blog ako bago ko ginawa ito. ‘Yung una, nagtagal ng 3 months tapos dinelete ko na dahil sa sobrang “dormant” at wala talagang readers. ‘Yung pangalawa, bukas pa rin hanggang ngayon pero iniwan ko na dahil di ko na feel mag-post doon (English ang medium nung second blog). ‘Yung pangatlong blog, collaborative blog siya ng province namin at active siya once in a while. At itong pang-apat, sa awa ng Diyos, hindi pa naman nagkakaroon ng ligta sa posting schedules.

          Payo ko, kung di mo na-feel mag-post, gawa ka na lang ulit ng bago. ‘Yung akin kasi, everytime gumagawa ako ng bago, pakiramdam ko, I’m reinventing myself. Tapos ang mahalaga, huwag hayaang mamatay ‘yung enthusiasm para patuloy at patuloy na makapagsulat.

          Like

  2. I love this blog Dwight! You hit everything right! I loved especially when you said about “nakakahiyang tulugan mga teachers”! Then about jet having patterned his teaching from mine, right again because he’s my apprentice! Thanks for this entertaining write-up dwight! You really have that gift of writing!

    Like

    • About kay Sir Jet, pakiramdam ko nga, ‘pag pumikit ako, magkaboses kayo. LOL.
      Salamat po sa itinuro niyo. Mababa ‘yung score ko sa Bio nung simulations pero pipilitin kong i-absorb ang mga lessons niyo ni Ms. Love. Salamat din po sa pagbabasa nitong maala-nobelang article na ‘to. God bless!

      Like

  3. Aba, magtetake ka pala ng UPCAT, gudlak at sana makapasa ka sa UP Mindanao para di ka masyadong ma-culture shock, hehe, jowk!

    Basta tandaan mo lang na ang pinakamatinding kalaban mo sa araw ng exam ay ang iyong sarili. Wag masyadong mapressure dahil baka ma-mental block ka. Take it easy kahit alam kong you want to pass the UPCAT soooo badd!

    Try ko gumawa ng isang article ng mga tips para sa mga tulad mong nakatakdang magtake ng isang crucial exam, baka sakaling me mapulot ka at magamit mo sa iyong pinaka-aabangang araw.

    Ingat lagi at gudlak!

    Like

    • UP Mindanao FTW! Hahaha! Pero seriously, natanggap ko po ‘yung final assessment report ko kahapon at 2.086 ‘yung Brain-Train UPG ko. Inalis ko na ‘yung UP Mindanao sa option ko (baka maging aligaga ako ‘pag sa Mindanao ako mag-aaral). UP Diliman as first choice and either Los Banos or Baguio as second choice.

      Actually, naging kalaban ko nga po ang matinding pressure. Noong simulations po kasi namin, parang mayroong kung anong kaba sa dibdib ko na dapat masagutan ko lahat. Tapos ayun, sobrang nerbiyos na sa Math part, na may ilang questions na kong nababasa na kahit alam ko naman dati kung paano sagutin, bigla kong hindi naaalala.

      Sige po, babasahin ko na po ‘yung article niyo ngayon. God bless po!

      Like

      • Haha.. Maski ako tinanggal ko na ang UP Mindanao at UP Baguio option ko, baka maging ala-eleksyon pa ang score ko niyan sa UPCAT; dagdag-bawas because of the palugit and pabigat. haha.

        Like

  4. Hi Dwight! This is arguably the best write-up I have ever read about a student’s experience in Brain Train! Honestly, hindi ko napansin na more than 3000 words na pala ang naisulat mo dahil sa bawat salitang binitawan mo sa blog mo, you made me want to read on and on. Your blog is the perfect example of form and substance. Pang-NATIONAL ka talaga!

    Thank you for appreciating all of your teachers’ efforts. I am amazed by the fact that you were able to look beyond our function as a teacher. You saw through our hearts and that is the best reward a teacher could ever have.

    And just to affirm your insightful remark, indeed – “Hindi pera ang habol ko sa’yo. Ang gusto ko, matuto ka. Ang gusto ko, pumasa ka”

    May God bless you on your preparations!

    Like

    • WOW! Isang malaking karangalan po na magkaroon ang maliit na blog na ito ng isang apat na talatang komento galing sa isang gurong pang-“NATIONAL” hindi lamang ang kakayahan kundi pati na rin lahat ng mga jokes at hirit, at naging kamukha ng hindi mabilang na artista na tila ba artista na ang sasamba sa kanya! WOW! XD

      Naks! Di ko ine-expect na mag-co-comment po kayo Sir Irvin. Thanks po sa compliment! Magagaling po talaga ang mga guro ng Brain-Train. Maaaring mayroon pa ring hindi ganap na natuto sa mga paksang natalakay, pero binigyan niyo po ang mga kabataang iyon ng ideya kung paano iintindihin at pag-iibayuhin ang mga napag-aralan. At tsaka, honestly po, kayo ang nagsilbing ice-breaker sa section naming three weeks na naturingang lifeless. Sabi nga ng isa kong kaklase, kayo raw ang pinaka-ma-miss niya. Lalo na raw ‘yung pagiging “mayabang” niyo na sa hindi maipaliwanag na dahilan, masarap pakinggan.

      Thanks Sir Irvin!

      Like

      • Tungkol doon sa batang itinapon, ikwinento sa amin ‘yun ni Miss Love mga 5 minutes before the time. Maaga kasing natapos ‘yung discussion (quiz show siya actually tapos may nag-buttspell pagkatapos). Ayun, sinabi niya sa amin ‘yung naging kapalaran noong sanggol.

        Like

        • nung last session ba? kami kasi pinakain ng parang Bertie Bott’s All Flavored beans ni ma’am. Haha.. buti na lang ndi pencil napunta sa akin. haha.

          Like

    • Hi Miss Love! May confession din ako. Kayo ang crush ko sa mga Brain-Train teachers. Hahahaha! Tapos feel na feel ko ‘yung gesture ng kamay niyo kapag nagsasalita kayo. XD

      Sana po makapasa. Pero UP Diliman po ang target ko. Anyway, parang gusto ko rin pong makapagturo sa Brain-Train someday. Kaya kung pwede po ‘yun, see you in Brain-Train! Thanks po Miss/ Dr. Love!

      Like

      • @Dwight, Haha.;.crush pala ha. haha..
        @Ma’am Love, o ayan ma’am, may patunay na ako nung sinabi ko na kayo ang pinakahip na teacher sa Brain Train pag nageexplain kayo.. hehe..

        Like

  5. Suggest ko lang na dapat course mo BA Malikhaing Pagsulat sa Filipino ..hahaha!.. What a very well constructed article/story. Salute to the Brain-Train Review Center! Im still reviewing in Brain Train (Batch 3 na) and Im getting hard time to cope up with the lessons especially in math and science. But… I think, I WILL, MUST, SHALL pass the UPCAT by the help of Brain-Train!

    Like

    • Hello Jessone! Una sa lahat, salamat sa pagbabasa at pagpuri ng artikulo ko dito sa blogosperyo at pati na rin sa paglalagay ng komento..

      Patungkol naman sa iyong suhestiyon, sa totoo lang, malapit din sa puso ko ang pagsusulat kaya hindi ako masyadong nahihirapang maghayag ng saloobin sa wikang Filipino (kaysa sa Ingles), kaso, aminin na natin, walang kita sa pagiging writer. Sa kurso kasi ng Creative Writing o kaya Malikhaing pagsulat, most probably, freelance writer o di kaya ay guro ang makukuhang trabaho. Gayunpaman, may konting kaugnayan pa rin ang gusto kong kurso. BA Broadcast Communication o Communication Research. Kaya ayun, tingin ko ay may kinalaman pa rin naman siya sa pagsulat (ng balita nga lamang).

      At tungkol sa pag-attend mo ng review classes, saang venue ka ng Brain-Train? Totoo, hindi naman palaging madali ang pag-intindi sa mga paksa pero tingin ko, malaki rin naman ang naitutulong nito pagdating ng simulations. Pati na rin pagkatapos ng mismong review at self-review na lang ang ginagawa. Good luck sa’yo! Namnamin mo ang bawat minuto mong ginugugol sa Brain-Train. Sigurado ako, mami-miss mo ang mga teachers. 😉

      Iyon lang, in-add na kita sa Facebook (kung tama ang email na ibinigay mo). ‘Wag mo sanang masamain. Hehehe. Ipagdarasal ko na lahat tayo ay pumasa ng UPCAT. God bless! XD

      Like

  6. Galing, grabe! I love the choice of words and yung pagkakasunud-sunod ng mga thoughts. I am also a BT student from Bacoor, and classmate ko dito sa Saudi yung reviewmate mo na si Ana. Hehe. Agree ako sa lahat ng sinabi mo! Haha nadali mo kuya! :)))

    Like

    • Naks naman! Na-flatter naman ako sa “Grabe!” mo, naramdaman ko ‘yung emosyon. Hahaha! Salamat sa compliment (at sa pagsang-ayon sa artikulo). 🙂 Oo, classmate ko si Ana. In fact, magkatabi lang kami ng upuan. Ang bait niya. Sana nagsama-sama na lang kayo sa QC para nakilala namin kayo. 🙂

      Like

      • Hahaha totoo nmn po kasi! :)) GRABE! Hehe, frustrated writer din kasi ako. Loljk. =)))) Hiwa-hiwalay po kaming magbabarkada. Nagkalat kami sa lahat ng mga branch ng BT. Haha!! I am looking forward to meet you. Baka makasagap ako ng writing techniques and stuff. Hahaha :p

        Like

  7. Aww. This is AWESOME. BT student din ako. Kudos to you! Sana may talent din ako sa pagsusulat katulad mo. Ang galing mo. Well, good luck sa UPCAT.

    Like

  8. 😀
    Nice article… pang National ika nga., ala sir. irvin.., natuwa lang ako sa mga articles mo, parang na motivate ako.., im still with my brain train review now, batch 3 San Pedro.. At nahihirapan talaga ako lalo na sa Math at Science. Para bang naliliitan ako sa school namin kung bakit ba hindi naturo iyon sa amin samantalang ung ibang school alam na un at go for a review na lang. 4th day na namin kahapon sa Brain-Train, at masaya naman kahit mahirap dahil sa mga teachers. Para sa akin ang pinakamagaling na teacher na na mimeet ko ay si Sir. Enteng, ewan ko ba, basta ang lupet nya! idol! ang galing nya mag explain, pati mga jokes nya havey.. lalo na pag ginagaya nya si mam GIna..XD , at kahapon na meet na namin si Sir. Irvin National, hahaha,,, Ok lang namn sya, pero mas idol ko pa rin si SIR. ENTENG! XD..
    Alam mo ngayon, stress na stress na ako, pressure na pressure, hindi pa simula klase, ganito na nangyayari sa akin, pero THINK + pa rin ako… I have the Brain-Train Advantage at naniniwala ako 😀 Malapit na ang pasukan namin, new trials na naman, as the incoming Student Council Pres., EIC of our School Publication, etc.
    Nabasa ko rin ung “LIST OF GOALS” mo, sheeeeeett, parehas na parehas tayo! 😀
    #1 UPCAT – Gusto kong makapasa sa UPD o UPLB man at maging Civil Engineer
    #2 Maging Vale. – I struggled in my 3rd year life, but I stand beyond the expectations of others, I become the top 2 out of 300+ students samantalang top 3 at top 6 lang ako nung 1st at 2nd year respectively. Umaasa ang lahat sa akin na ako ang magiging VALE. even the teachers dahil nga sa pag-angat ko 😀
    #3 GO FOR TACLOBAN – Since summer at hanggang ngayon June, pressure na talaga ako sa Paper Adviser namin, pero THINK + nga tba.. I have so many experience… In fact, 3rd year lang ako nakasali sa school publication at for the 1st time na pagsali ko sa PressCon KABOOM agad.. I qualify up to RSPC with my category Photojournalism (Fil.), nung RSPC nga, ako ang inaasahan ng division namin na manalo sa RSPC kasi nga ako ang tingin nilang may capability na manalo at dahil kasi nag Best Output ako sa mga trainings among my co-DSPC winners.
    Im HOPING at manalo sa NSPC, and bring the beacon to our school! 😀

    Hanggang dito na lang, ginawang blog ko na ung comment ko, pasensya na..XD
    I look forward na sana makita natin ang mga pangalan natin sa UPCAT Website, be the best student in our school, at sana magkita tayo sa TACLOBAN for the NSPC!! 😀 GOOD LUCK!!!

    Like

    • Natuwa naman ako sa komento mo, pwede ng pang-blog post!

      Unfortunately, hindi ko naging teacher si Sir Enteng, pati na rin si Ma’am Gina. Kung naging teacher niyo si Sir Randy, malamang matatawa rin kayo sa panggagaya sa kanya ni Sir Irvin. Anyway, lahat naman sila magagaling. No time will be wasted. Good luck sa review mo sa Brain-Train. Advice ko, galingan mo simulation exam. Kahit mock-up lang ‘yun, magaan sa pakiramdam kapag ang nakuha mong results ay pasok sa choice of campus mo. Nahirapan ako sa simulations pero nakakuha ako ng UPG na pasok sa Diliman so ayun, nakaka-boost ng confidence. Kaya seryosohin mo. 😉

      Patungkol naman sa goals, grabe! As in parehas talaga? Well, doon sa first goal (UPCAT), ang target ko talaga Diliman, pero kahit ano sa doon sa course na BroadComm o CommRes. Pero okay na rin kahit Los Banos. Ang mahalaga, U.P.

      Second goal (Valedictorian), may pagka-competitive ako kaya hindi ko matatanggap na maging salutatorian lang (hahaha!). Ayos ang pag-angat mo sa top ah. ‘Yung akin, first honor ako since first year (although nasa ibang school ako noon). Pero malay mo rin, maraming nag-iiba sa huling taon ng high school.

      At sa third goal (NSPC), go for it! I swear, three times na akong naka-NSPC at iba talaga ang experience. Sa opening ceremony pa lang, goosebumps na. You’ll feel that you’re one of the best. Ako naman, di pa ako umuuwing luhaan sa NSPC pero sa latest kong experience, mayroon kaming letter of protest na ipinasa for certain reasons (basta, mahabang kwento). Kaya expect mo na rin na hindi ganoon kaganda ang sistema kung saka-sakaling makaka-Tacloban ka. Gayunpaman, just be determined at mananalo ka diyan sa field of expertise mo. 😉

      So ‘yun, good luck sa ‘tin sa UPCAT, magkita nawa tayo sa Tacloban at sa UP Diliman! (Wow, rhyming!)

      P.S: Kahit na itinago mo ang pangalan mo, nagawa kitang mahanap sa Facebook through your email account. 🙂

      Like

  9. Pingback: Liham sa Taong Nagbigay sa Akin ng Kauna-unahan Kong Black Eye | MomsterTeacher·

  10. Helloooo! 🙂 Sabi mo kasi, pagnakaabot dun sa mejo last na, magcomment lang, tapos pagdadasal mo. =))))) Grabe! Ang galing. Di ako na-bore sa pagbasa, kasi super nakarelate ako. Parehas din kasi tayo ng teachers, pero Brain Train Los Baños ako. 🙂 Super galing ng article mo. :> GLHF sa UPCAT! 🙂

    Like

  11. Nung una akala ko talaga mabo-bore ako dito, haba kasi eh, akala nga lang talaga =)) Dahil dito sa blog na ‘to, my decisions are cleared. Thanks DwightD.! 😀

    Like

    • Incoming fourth year student ka pa lang ba? I’m glad to know na nakatulong ‘to sa pag-de-decide mo ng review center na papasukan kung ganoon. Trust me, hindi mo pagsisisihan ang binayad mo. Good luck sa entrance tests na kukunin mo! 😉

      Like

  12. Pingback: My A to Z | MomsterTeacher·

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s