Paunang Salita na Naman

Para lamang magmukhang pormal kaya naisipan niyang gumawa ng paunang salita. Kung kanyang babalikan, pang-apat na beses na niya itong nasubukan, paulit-ulit, para lamang maiba.

Sinubukan niyang gumawa ng blog eksaktong isang taon na ang nakalilipas. Sa wikang ganito rin, hindi nga lang WordPress. Noong una ay palagian ang paglalagay niya ng artikulo, hanggang sa naging malimit, paminsan-minsan at sa paglipas ng mga apat na kabilugan ng buwan, hindi na sumagi sa kanyang katauhan. Pinagsikapan din niya ang bawat isinulat, ngunit napagtanto niya sa isipan na nilamon na rin ng malaking mundo ng Internet ang tila katiting na mga pahina na pagmamay-ari niya. Isa pa, wala naman daw nakakapakinig ng kanyang tinig. Kaya hindi na niya hinintay ang abiso ng Blogspot, kung saka-sakali ngang nagpapaala ito na kahit wala mang nagbabasa, kailangang punuin pa rin niya ng mga sanaysay ang pahina niya. Boluntaryo niyang binura ang kanyang blog, na sa madaling sabi, hindi naman naramdaman ng sanlibutan.

Dalawang araw makalipas ang kaarawan niya, o mga pitong araw matapos bigyang-pugay ang mga patay, naisipan niya ulit gumawa ng blog. Sa WordPress naman. Masyado siyang mapangarap, nais niya kasing ihulma ang kanyang kakayanan sa wikang banyaga. Katulad ng nauna, hindi niya binabanggit ang kanyang buong pangalan. Nais niya kasing mailabas ang kanyang saloobin na walang sinumang guro na pumupuna. Ganoon din, gumawa siya ng paunang salita. At kakabit ng bawat mahika ng mga titik ay ang pagkabuklod-buklod ng mga kuwentong nais niyang iparating. Di gaya ng naunang blog, mayroong ilan-ilang nagbabasa sa kanyang bagong pahina. Ngunit makalipas ang pagputok ng mga kwitis at walang humpay na pagsalubong sa bagong numero ng kalendaryo, nawalang bigla ang kanyang interes. Kasi ba naman daw, dumudugo pa rin ang kanyang ilong sa pag-i-Ingles, na maging sarili niya ay hirap siyang unawain. Pero hindi niya binura ang pangalawang blog. Bagkus, hinayaan niyang maging bukas ito sa madla na hindi siya personal na kilala.

Mga ilang gabi bago ang araw na inilaan sa mga magsing-irog, binuksan niya ang pangatlong blog, sa WordPress pa rin. Iba naman ang anggulo dito sapagkat marami siyang katulong sa paglalagay ng artikulo. Isang pahina para sa buong komunidad ng mga manunulat sa kanyang probinsya ang kanyang pinasiniyaan. Ngunit katulad ng naunang dalawang blog, sa simula lamang dumagsa ang mga sanaysay at kinalaunan, naging paunti-unti. Positibo naman kung tutuusin ang kinahinatnan ng pangyayari sapagkat ngayon ay patuloy pa rin ang mga nagtitipa sa pahinang iyon. Hindi lamang ginagarantiya ang palagiang bagong artikulo.

At sa tila mabilis na takbo ng pangyayari, narito na siya sa ikaapat na pahina ng kanyang kasaysayan sa Internet. Siya ang nasasakdal sapagkat naisipan niya muling gumawa ng paunang salita na tila walang kadala-dala. Siya ang nasasakdal sapagkat naisipan niyang yakaping muli ang wikang Filipino at magpakadalubhasa sa lenggwaheng maaaring magbigay ng oportunidad sa kanya sa darating na panahon. Siya ang nasasakdal sapagkat punong-puno na naman siya ng kagalakan at pangarap na mapaunlad ang pinakabago niyang pahina.

Siya po ang binatilyong naghatid sa inyo sa pahinang ito. Siya ang binatilyong makikita ninyo sa URL ng blog na ito ngayon. Siya ang binatilyong maghahatid ng mga artikulong hinipan ng panahon na parang kandila, at hahaplusin ng pagkakataon na tila bagong silang na sanggol na sabik sa reyalidad.

Siya po si Dwight.

Pang-apat na beses na siyang nagsulat ng paunang salita. At sa apat na pagkakataong iyon, hindi niya man lang naisipang magpaalam.

Advertisements

10 responses to “Paunang Salita na Naman

Comments

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s